Isko Moreno, nagpasintabi sa TVJ bago naging bahagi ng 'Eat Bulaga'

Nagpasintabi raw si former Manila mayor Isko Moreno o Yorme sa showbiz icons na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon nang matanggap niya ang offer na maging isa sa bagong hosts ng longest running noontime show sa bansa na Eat Bulaga.
Ibinahagi 'yan si Yorme sa kanyang panayam sa Marites University ng mga showbiz writers na sina Jun Nardo, Rose Garcia at Ambet Nabus.
Matatandaang noong May 31, nagbitiw sina Tito, Vic and Joey, o TVJ, mula sa Television and Production Exponent Inc. o TAPE Inc. na nagsisilbing producer ng Eat Bulaga.
"Nagpasintabi rin ako. It's just a matter of mutual respect. We have a common friend. Sabi ko, 'Pare, paki sabi lang kina TVJ.' Sabi ko may offer sa akin at tatanggapin ko," pahayag ni Isko.
Wala naman daw siyang natanggap na negatibong reaksiyon o pagtutol mula sa mga ito.
"Okay naman, wala naman sinabing [negative]. In fairness to TVJ, wala naman. If you show respect, ['yun din ang ibabalik sa iyo.] Love begets love," aniya.
Iginiit din ni Yorme na tinanggap niya ang pagiging isa sa bagong hosts ng Eat Bulaga para mga manonood at mga taong nagtatrabaho sa likod ng show.
"It has nothing to do with them. It's always somethig to do with the people [who watch and work in 'Eat Bulaga']," paliwanag niya.
Alamin ang kuwento sa likod ng bago niyang segment sa Eat Bulaga, ang reaksiyon niya sa pagpapasalamat ng isang winner sa TVJ at iba pang mga rebelayon ni Isko Moreno tungkol sa programa dito.








