Simula nang ianunsyo at maganap ang unang 'Get, Get, Aw!: The SexBomb Concert,' isa si Izzy Trazona sa mga hinahanap at inaabangan ng mga manonood. Ngunit natapos ang tatlong concert ng grupo, hindi nasilayan ng fans ang kanilang idolo.
Kaya naman, laking gulat at tuwa ng mga tao, at maging ng SexBomb Girls, nang makasama nila sa rAWnd 4 ng kanilang concert si Izzy.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, February 10, inamin tuwing inaaya siya sa concert, palaging kinailangan niyang tumanggi.
“Every time they invite me na, 'Punta ka naman sa concert,' lagi kaming nag-iiyakan ni Rochelle na, 'I'm sorry,' ganiyan. 'Tapos, 'Hindi ako makakapunta,' r di, iiyak din siya. Lagi kaming nag-iiyakan dalawa sa cellphone,” sabi ni Izzy.
Kaya naman, bago pa dumating ang araw ng ika-apat na concert ng SexBomb Girls, gumawa na ng paraan si Izzy, at tinawagan si Mia Pangyarihan.
Alamin ang buong kuwento kung papaano nga ba naging bahagi ng 'Get, Get, Aw!: The SexBomb Concert rAWnd 4' si Izzy sa gallery na ito:
Bago pa tumawag si Izzy kay Mia, nagpaalam muna siya sa asawang si Alvin Aragon. Aniya, gusto niyang magbahagi ng mensahe at pagmamahal ni Jesus sa naturang concert.
Pag-amin ni Alvin, nagkaroon siya ng alinalangan sa gustong gawin ni Izzy. Ngunit matapos niyang magdasal at naisip na maaaring paggabay ito sa kaniyang asawa ay pinayagan na niya ito.
Matapos makuha ang go signal ni Alvin, tinawagan na agad ni Izzy si Mia para magtanong kung mayroon ba itong tickets. Sa kasamaang palad, wala itong available ngunit nangakong gagawa ng paraan.
Nakagawa naman umano si Mia ng paraan dahil hindi man siya nabigyan ng tickets, nagkaroon naman siya ng all-access pass sa backstage. Ngunit bilin niya sa dating kagrupo, "Pero sabi ko sa kaniya, 'Mia, 'wag mong sabihin kay Rochelle and the rest of the girls.'"
Aminado naman si Izzy na kinakabahan siya noong makapasok sila sa backstage dahil sa dami ng tao.
Sabi pa ni Izzy, "So nanonood ako, parang, of course, andu'n yung feeling na parang: 'Wow, ito 'yung mga kasama ko before.' And andu'n 'yung longing that you feel-- 'yung feeling mo na ito 'yung kasama ko for the longest time."
Kwento ni Izzy, masaya na siyang makitang nagpe-perform ang kaniyang dating mga kagrupo. Kaya naman, laking gulat niya ng lapitan siya ng isang staff member at ni-request siya sa stage.
Ayaw na sanang umakyat ni Izzy dahil kakagaling lang niya noon sa online selling ng luxury bags, at naka t-shirt at maong pants lang. Ngunit dahil hiling umano ito ni Mia, napapayag na rin siya.
Dinala siya umano sa backstage ng staff at tinatago pa mula sa ibang girls para masorpresa sila, hanggang sa magkita sila ni Mia. "Nag-iyakan na kaming dalawa du'n. Sabi ko, 'Sandali lang, hindi pa ako lumalabas, namumugto na 'yung mga mata ko, mare.'"
Emosyonal naman si Izzy nang ibahagi niya ang nangyari nang lumabas na siya ng entablado, "'Yun nga po, pagkalabas, sobrang 'yung heart ko talagang nag-uumapaw na na-miss ko itong mga 'to. Na-miss ko po sila. From 2009 nu'ng nag-resign po ako, and ngayon ko lang ulit sila [nakasama] on-stage, sobrang emotional. I love them so much, Tito Boy, sobrang mahal na mahal, nami-miss."