Aminado ang aktres na si Janice de Belen na sanay na sanay siya sa ingay, gulo, at tawanan ng kaniyang mga anak. Kaya naman, ngayong bumukod na ang karamihan sa kanila, nagkwento ang aktres ng kanyang nararamdaman ngayong dalawa na lang sila ng anak na si Yuan sa bahay.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, May 29, ibinahagi ni Janice ang mga realisasyon niya at relasyon sa mga anak. Isa na rito ang pagkakaron ng panahon para sa sarili.
“I have so much time.' 'Yun talaga 'yung naisip ko. Tapos kino-compare ko, 'Dati ba, wala kang time?' Hindi naman, may time din naman ako. It's just that I choose to stay home. I choose to stay home kasi nandu'n 'yung mga kids,” sabi ni Janice.
Isa sa mga tanong ni King of Talk Boy Abunda, kung meron bang Sunday lunches, mga araw na inaantay niya ang mga anak sa bahay para makasama. Alamin ang sagot ni Janice sa gallery na ito:
Ayon kay Janice, hindi siya nagde-demand ng Sunday lunches mula sa kaniyang mga anak, lalo na at alam niya kung gaano kaabala ang mga ito.
Naiintindihan umano ni Janice na may kaniya-kaniyang buhay ang kaniyang mga anak, kaya ayaw niyang maobliga ang mga ito. "I don't want to burden them with the feeling na 'Naku, kailangan mag-lunch, kailangan mag-lunch sa bahay.' Ayokong isipin pa nila 'yun," sabi ni Janice.
Pagpapatuloy pa ng aktres, "When they're free, when they're okay, kayo ang magsabi sa 'kin. At saka may pride ako. Aba, ako ang tawagin n'yo."
Sa ngayon, abala si Janice sa kaniyang hobbies na marami umano ayon sa kapatid na si Gelli de Belen.
Aminado naman dito si Janice at kinumpirma na isa nga siyang hobby girl. Paliwanag ng aktres, "I always wanna make use of my time. Una, I'm not a person who can just sit there and not do anything. Nagpe-painting-painting ako, I do my other crafts like I make gift tags, I cook, I still cook."
Hilig din umano ni Janice na mag-ayos ng bahay at pag-amin ng aktres, hindi maganda ang nasa bahay lang siya palagi dahil naghahanap siya ng pwedeng gawin o ayusin.
Ang paliwanag ni Janice dito, "Siguro kasi ang bilis ng trabaho natin, e. We live fast lives. Madali tayo ma-bore. Hindi ko naman kaya lumipat ng lumipat ng bahay, so aayusin ko na lang 'yung bahay ko."
Ibinuko rin siya ni Gelli na isa na ngayong social butterfly si Janice. Ngunit para sa aktres, weird ito. "I just said it kanina, 'Wala naman akong show na ginagawa, pero bakit parang busing-busy ako? Kasi ang dalas kong magpa-make-up, which is so not me. Ang dalas kong bumili ng damit, pumunta sa event," sabi ni Janice
Paglilinaw ni Janice, hindi naman ito masama, sadyang naninibago lang siya umano sa sarili lalo na at kadalasan ay trabaho lang naman ang pinupuntahan niya.
Dahil dito, kinumusta rin ng batikang host kung gusto pa bang pumasok si Janice sa bagong relasyon. Ngunit ayon sa aktres, "No na. No more, Tito Boy. Hindi ko na alam what a relationship is, e. Nakipag-deal na 'ko with God, talagang 'wag na."