Jasmine Curtis-Smith, naging emosyonal nang alalahanin ang pumanaw na ama

Sa kabila ng pagiging busy ni Jasmine Curtis-Smith sa kanyang mga proyekto, inamin niyang nagluluksa pa rin siya sa pagkawala ng kanyang amang si James Curtis-Smith.
Sa report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Martes, February 24, ibinahagi ng aktres na hirap pa rin siya sa kanyang pinagdaraanan, lalo na't malayo ang pamilya niya sa kanya.
“I think napakahirap mawalay sa pamilya lalo na kapag may pinagdadaanan ka,” bahagi niya.
Kahit na pareho silang nasa Pilipinas ng kanyang ate na si Anne Curtis, ikinuwento niya na nahihirapan pa rin silang hagilapin ang isa't isa upang maging nariyan para sa bawat isa.
“Pero syempre, hiwalay pa rin kami ng tinitirahan, inuuwian. So, kapag kailangan namin 'yung isa't isa, medyo may struggle rin to reach each other because magkaiba kami ng oras at trabaho. So, I miss my family. I miss being with my mom,” kuwento ni Jasmine.
Dagdag pa niya, “I think mahirap lang na hindi mo sila kasama, lalo na kapag pagod ka. Lalo na kapag kailangan mo lang ng taong nakikinig sayo. Mahirap na hindi mo sila kasama.”
Ngayong nawalan sila ng mahal sa buhay, ibinahagi ni Jasmine na mas natutunan niyang pahalagahan ang pagbibigay ng oras at pagmamahal sa kanyang mga mahal sa buhay.
“Bumabawi kami sa mga ganoong sandali siguro na maghanap na lang ng paraan if meron makakadalaw sa isa't isa or meron bang ilang araw na pwede akong bumisita sa kanila.
"Kasi, I think kapag naranasan mo na 'yung loss or 'yung pagkawala ng isang taong mahal mo sa buhay, mas lalong gusto mong effortan 'yung mga taong nandyan pa at mas lalong gusto mong sulitin 'yung oras na meron ka with them,” aniya.
Ibinahagi nina Jasmine at Anne ang pagpanaw ng kanilang ama noong January 7 sa isang joint Instagram post.
Kamakailan lamang, inanunsyo na si Jasmine ay bahagi ng celebrity dance stars sa Stars on the Floor 2026, na aniya'y nakatutulong sa kanya upang makapagpokus sa ibang bagay, lalo na sa pagsasayaw, habang siya ay may pinagdaraanan.
Bibida rin si Jasmine kasama ang Sparkle artist na si Royce Cabrera sa stage play na Endo mula April hanggang May 2026.
Patuloy na tutukan si Jasmine sa Stars on the Floor 2026 tuwing Linggo, 7:15 p.m. sa GMA, Kapuso Stream, at GMA Pinoy TV.
Panoorin ang buong panayam dito:
RELATED GALLERY: Jasmine Curtis-Smith shares tender moments with late dad









