Matapos ang ilang taon, muling napanood ang StarStruck season 4 Ultimate Survivor na si Jewel Mische nang bumisita ito sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, June 25.
Huling napanood si Jewel noong 2013 sa episode ng isang drama anthology series, at napanood sa dating talk show ni King of Talk Boy Abunda noong 2016.
Dahil matagal nawala sa limelight, kinumusta ng batikang host ang pagbabalik ni Jewel sa kaniyang home network.
Wika ng aktres, “It feels so surreal. I'm a bundle of nerves right now. I'm nervous, I'm excited, incredibly excited. Halo-halo.”
Tinanong rin ni Boy kung ano-ano ang mga naaalala ni Jewel nang sumali siya sa naturang artista reality show noong 2006.
Tingnan ang pagbabalik-tanaw ni Jewel sa kaniyang panahon sa StarStruck sa gallery na ito:
Isa sa mga pangunahing alaala ni Jewel sa kaniyang panahon sa StarStruck ay ang kaniyang audition. pagbabahagi ng dating aktres, last day na iyon nang pumunta siya sa GMA Network para mag audition.
Ayon kay Jewel, ang kaniyang ina talaga ang nagtutulak sa kanya para mag-audition sa 'StarStruck. Aniya, pumayag din naman siya, ngunit hiniling sa kaniyang mommy na ito ang magpadala ng resume niya. Siya rin ang pumila para sa dating aktres.
Bagamat nadala ng pang-uudyok ng kanyang ina, sinabi ni Jewel na noong nag-audition siya ay desidido na talaga siyang sumali sa 'StarStruck. Sabi pa ng aktres, "I prepared naman at saka, at that time, pumayag na talaga ako, excited na akong sumali. I was decided enough, I had all the reasons."
Ayon kay Jewel, ginawa niya ang lahat sa kaniyang audition--mula sa pagkanta at pagsayaw hanggang sa pagtugtog pa niya ng gitara. Nang tanungin siya ni Boy kung ano ang kinanta niya para sa audition, sabi ng 'StarStruck' alumna, "' Zombie,' 'yung Cranberries 'yun, 'di ba?"
Pag-amin ni Jewel, "very misunderstood" siya noong nasa contest pa sila. Aniya, sa lahat sa kanila, siya lang ang walang background sa show business.
Paglalarawan pa ni Jewel sa karanasan niya noon sa StarStruck, "Ibang-ibang mundo ang 'StarStruck'sa akin nu'n."
Ikinuwento rin ni Jewel na marami ang hindi siya tanggap sa contest noon dahil sa pagiging tahimik. Kaya naman, para makaiwas sa issues, "I isolated myself. I didn't wanna insist."
Ibinahagi rin ni Jewel na may "ilan-ilan" sa mga kasamahan niya sa StarStruck ang sinubukang manligaw sa kaniya. Ngunit ang maituturing niyang seryoso, si Paulo Avelino.
Pagbabahagi ni Jewel, naging malapit sila ni Paulo, na naging tagapagtanggol pa niya noon habang nasa StarStruck sila. Kalaunan, naging magka-love team pa sila sa ilang mga proyekto.
Aminado naman si Jewel na naging malapit siya noon kay Paulo, ngunit nilinaw din niya na hindi sila naging opisyal na magkarelasyon.