Isa si Jo Berry sa mga aktor na pinaka hinahangaan ngayon dahil sa kaniyang galing sa pag-arte sa mga roles na ginagampanan at sa pagiging inspirasyon niya sa kapwa niyang little people at iba pang differently-abled people.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, April 14, kasama si Sienna Stevens, kinumusta ni King of Talk Boy Abunda ang pakiramdam ni Jo na itinuturing siya bilang inspirasyon.
Alamin kung ano ang kwento ni Jo Berry sa gallery na ito:
Hindi maitatanggi na isang malaking inspirasyon ngayon si Jo sa mga little people at maging sa iba pang differently abled people.
Sa katunayan, pagbabahagi ni Jo, maraming little people ang nagsabing hindi na sila nahihiya na lumabas ng bahay.
Pagbabahagi ng aktres, kung dati ay inaasar lang ang mga little people tulad niya, ngayon ay tinatawag na sila sa pangalan ng mga karakter na ginampanan niya.
Ani Jo, "Ang naiisip na daw po 'pag nakikita sila is 'yung mga role na nagawa ko kaya natutuwa rin po sila tapos parang excited na daw 'yung mga tao na makita sila. Unlike before na nahihiya silang magpakita kasi nga different sila."
Dahil sa pangyayaring ito, natutuwa umano ang puso ni Jo lalo na at hindi naman niya inasahan na makaka-inspire siya ng ibang tao.
May pressure pa rin kay Jo na maging inspirasyon sa iba lalo na pagdating sa pagpili ng role na tatanggapin niya.
Sabi ng aktres, "'Pag binibigyan ako ng role. Iniisip ko na hindi ko tatanggapin 'yun just because I want na tanggapin 'yung role. Kailangan ko rin isipin kung ano 'yung magiging epekto sa other little people and other differently-abled people na nire-represent ko nga po sa panahon ngayon."
Pag-amin pa ni Jo, wala naman siyang plano talaga na maging isang aktres. Sa katunayan, noong nagsisimula pa lang siya sa industriya, gusto lang umano niya subukan kung makakapasok siya bilang isang aktres.
Ayon pa kay Jo, aksidente lang lahat, mula sa pagpasok niya sa industriya hanggang sa makarating siya ngayon sa kinatatayuan niya.
Hindi umano inasahan ni Jo na ganito kalaki ang magiging epekto ng pagpasok niya sa industriya kaya naman sobrang saya niya.