Juharra Asayo, umani ng papuri sa bagong acting project

Muling umani ng mga papuri ang young actress na si Juharra Asayo para sa kanyang mahusay na pagganap bilang Jing-Jing sa pelikulang How To Get Away With My Toxic Family.
Sa special advanced screening nito kahapon, July 21, isa sa mga nagpaantig ng damdamin ang napakaimportanteng eksena ni Juharra.
“Ahead of her time si Juharra,” paglalarawan ni Richard Quan, ang gumanap na ama ng batang aktres sa pelikula.
“I was actually surprised na nagagawa niya yung mga pinagagawa sa kanya ni direk. Hindi ganun kadali yung mga kailangang emotions na pinagawa sa kanya. Pumasa siya with flying colors para sa akin.”
Halos ganito rin ang naging komento ng bida ng pelikula na si Zanjoe Marudo, ang gumanap na tiyuhin ni Juharra na si Arsenio.
“Well, first time namin magkatrabaho. Sa dami na ng mga batang nakakasama ko sa projects, nakakatuwa na lagi na lang akong nabibiyayaan ng mahuhusay na bata kagaya ni Jing-Jing.
“I'm sure, napakaganda ng future mo dito sa ating industriya. Magpaka-humble ka lang lagi,” nakangiting sinabi ng aktor kay Juharra.
Bilang paghahanda sa pelikula, sinabi ng 11-year-old actress na sinubukan niyang pumasok sa mundo ni Jing-Jing para magampanan ito nang maayos.
“Building up the character is challenging because you have to be in your character. So, how it feels working with a family that's toxic, it's very nakakaawa, hurt, and unmanageable po,” sabi ni Juharra.
Malaking tulong daw ang ginawa nilang workshop bago magsimulang mag-shoot para sa pelikula “para magka-connection kami sa isa't isa.”
Sa huli, punung-puno ng pasasalamat ang batang aktres sa pagiging bahagi ng family drama film na How To Get Away With My Toxic Family.
“Thankful po ako kasi yung first project ko po sobrang laking tulong na po sa akin. And this movie, sobrang laking impact na rin sa career ko kasi I'm working with veteran actors and actresses. Thank you po.”
Juharra Asayo kasama ang (mula sa kaliwa) producer ng How To Get Away With My Toxic Family na si Ogie Diaz at mga bidang aktor na sina Zanjoe Marudo at Susan Africa. Courtesy: Nherz Almo
Matatandaan na kamakailan ay pinuri rin si Juharra ng mga manonood ng Encantadia Chronicles: Sang'gre dahil sa kanyang pagganap bilang young Terra.
Sa katunayan, mismong ang gumaganap ngayong Terra, si Bianca Umali, ay aprubado sa kanyang ipinamalas na galing sa pag-arte.
Ani Bianca, “Napa-double look ako sabi ko, 'Ang galing!' Ang galing kasi nakita nila na may resemblance kami. Malaking factor sa akin na 'yung mga young, e, talagang hindi maikakaila na paglaki, ito siyang karakter siya.
“The way that she's acting Terra out, pasok na pasok sa kung ano 'yung mga dapat pagdaanan ni Terra na bata pa siya at kung bakit siya tatapang at buo 'yung loob niya na maging tagapagligtas."
Bukod sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, narito ang ilan pang Kapuso shows kung saan napanood si Juharra.





