Hindi na lingid sa kaalaman ng marami ang pagkakaroon ng bipolar disorder ni 'iWitness' documentarist na si Kara David. Pero sa halip na panghinaan ng loob, ginagamit ito ng batikang journalist bilang kaniyang superpower.
Sa 'Fast Talk with Boy Abunda' nitong Miyerkules, July 29, ibinahagi ni Kara ang pinakaimportanteng mensahe na maibibigay niya sa iba pang kagaya niyang na-diagnose rin ng bipolar disorder.
Alamin ang mensahe ni Kara sa gallery na ito:
Taong 2023 pa nang ibahagi ni Kara sa podcast ni Nelson Canlas na 'Updated with Nelson Canlas' ang tungkol sa kaniyang bipolar disorder. Dito, ibinahagi ng journalist na sumasali siya sa mga triathlon para matulungan siyang i-manage ito.
Pahayag ni Kara sa 'Fast Talk with Boy Abunda,' "Ako, lagi ko 'tong sinasabi Tito Boy, na 'yung bipolar, while it's called bipolar disorder, if you learn to accept it and you learn to seek the right help, it's a gift, it's not a curse."
Nilinaw rin ni Kara na sa kabila ng bansag dito na "disorder," para sa kaniya, isa itong regalo at superpower matapos niyang mas maintindihan at tanggapin ang kaniyang kondisyon.
Ayon pa kay Kara, may dalawang phases ang pagkakaroon niya ng bipolar disorder: ang manic phase at depressive phase.
Pagbabahagi ni Kara tungkol sa manic phase, "'Yung manic na manic ka, that's the time na you're super creative, super mabilis mag-isip, ang lakas ng loob mo. All those things, 'pag managed well."
Sabi ni Kara, kapag naroon siya sa medyo mataas na lebel ng pagiging manic ay mabilis siyang mag-isip at magsulat ng script. Mas malakas din umano ang loob niya na gumawa ng mga bagay-bagay.
Sa kabila nito, paalala ni Kara na kailangan ay well-managed ang manic phase na iyon kundi ay magka-crash ka. Sa kanyang pagbisita sa 'Updated with Nelson Canlas,' sinabi niya na isang paraan para ma-manage ito ay ang pagkakaroon ng activities na nagbibigay ng natural endorphins katulad ng sports.
Pinaalala rin ni Kara na hindi kakayanin ng isang may bipolar disorder na i-manage lang mag-isa ang kanilang kondisyon at kakailanganin umano ng doktor.
Sa podcast ni Nelson, inilahad ni Kara na maaari namang uminom ng gamot para para makontrol ang kaniyang mood. Ngunit dahil ayaw niyang umasa sa medications, napili niyang mag-sports.
May hiling din si Kara sa community, "At sana 'yung community, hindi kami tinitingnan as baliw, loka-loka, krung-krung, kasi kung matututo kang tanggapin 'yung condition mo, you can make it work for you, not against you."