Ikinasal ang basketball star na si Kiefer Ravena sa beauty queen na si Diana Mackey nito lamang June.
Sa pagbisita nina Kiefer at Diana sa Fast Talk with Boy Abunda kahapon (June 30), inamin ng dalawa na sobrang napagod ngunit na-enjoy rin naman nila ang kanilang kasal na ginanap sa St. Michael the Archangel Parish sa Bonifacio Global City, Taguig noong June 11.
Pagbabahagi ni Diana, “The morning after, to be honest, I felt tired, super tired. It was a super fun night, we celebrated it with friends. The next day, super grateful, I woke up beside tihis guy.”
Ayon naman kay Kiefer, sobrang na-enjoy niya ang kanilang wedding lalo na at ipinagdiwang nila ito kasama ang kanilang malalapit na kaibigan at pamilya.
Isang interesting na detalye tungkol sa dalawa ay halos wala pang isang taon ang kanilang relationship bago humantong sa kasalan. Kaya natanong ni King of Talk Boy Abunda, “How did you guys meet?”
Tingnan sa gallery na ito kung papaano binalikan nina Kiefer at Diana ang simula ng kanilang relationship:
Kuwento nina Kiefer at Diana, hindi sana sila nagkarelasyon kung hindi dahil sa kanilang cupid na si MJ Lastimosa. Saad ng basketball star, matagal na siyang nagme-message sa beauty queen ngunit hindi ito sumasagot.
Ayon kay Diana, ipinangako niya sa sarili na hindi siya makikipag-date sa basketball players dahil sa stigma ng pagiging chickboy ng mga ito.
Sabi pa ng beauty queen ay nakikita niya ang messages ni Kiefer pero hindi niya ito pinapansin. Kaya naman humingi na ng tulong ang naturang basketball player sa kanilang common friend na si MJ.
Sabi ni Kiefer, nakiusap siya kay MJ na sabihin kay Diana na mag-reply sa message nito. "Feeling ko, out of pure awa na lang, nag-reply na siya," aniya.
Ibinahagi ng basketball star na halos isang linggo sila nag-uusap sa phone ni Diana bago sila tuluyang nagkita ng personal.
Unang public post nina Kiefer at Diana ay noong nagbakasyon sila sa Siargao. Kuwento pa ng newlyweds, hindi naman sila ang nag-post originally noon at sa katunayan, isang netizen ang nagbahagi ng naturang litrato at video.
Pero pagkatapos umano ng Siargao trip nila, muling inaya ni Kiefer si Diana sa El Nido, Palawan, kasama ang kaniyang ina at bestfriend. Doon nila napagtanto na nakita na nila sa isa't isa ang "the one."
Pagbabahagi pa ni Diana, binibiro-biro pa siya ni Kiefer noon sa El Nido na magpakasal na sila, bagay na "down" siyang gawin. Paliwanag ng beauty queen, "I don't know, parang it just felt right."
Napansin din ni Boy ang tila mabilis na relationship ng dalawa. Ayon kay Diana, June 28, 2024 sila unang nagkakilala, at naging official boyfriend/girlfriend naman noong August 8 ng parehong taon. October 30 2024 nang ma-engage sila, at ayon kay Kiefer, ikinasal sila "six months after."
Magkakaroon din sila ng second wedding "soon" na gaganapin sa Palawan. Kuwento ni Kiefer, dahil doon nila na-realize na sila na ang para isa't isa habang buhay. Gusto nilang ipagdiwang ito kasama ang kanilang close friends at family.
Dahil lilipad muli si Kiefer sa Japan para sa basketball tournaments, ang arrangement nila ay mananatili sa Pilipinas si Diana para ipagpatuloy ang kaniyang flying school. Saad ng beauty queen, 18 na buwan na lang naman ay magtatapos na siya, at malapit lang naman ang Japan at sinabing mapupuntahan niya naman doon ang asawa.