Kiray Celis, inaming apektado sa bashers na bumabastos sa kanyang pamilya

Hindi napigilan ng comedienne-actress na si Kiray Celis ang maiyak sa panayam niya kasama si Boy Abunda nang magpag-usapan nila ang pamba-bash na natatanggap tungkol sa kaniyang pamilya.
Ngayong Biyernes, excited na bumisita si Kiray sa Fast Talk with Boy Abunda kung saan sumalang siya sa isang interview kasama si Boy.
Dahil kilala rin online si Kiray sa kaniyang pagiging businesswoman at influencer, isa sa kanilang pinag-usapan ni Boy ay ang bashers.
Ayon kay Kiray, hindi niya iniintindi ang mga negatibong komento tungkol sa kaniya online, bagkus ay nagpapasalamat pa siya sa mga basher dahil sa kilala siya ng mga ito.
Aniya, “Hindi naman ako nagkakapera sa kanila e, at saka 'yang mga namba-bash na 'yan updated sila, hindi ka naman nila iba-bash kapag hindi ka naman nila kilala so thankful ako kasi kilala nila ako.”
Pero pag-amin ni Kiray, ibang usapan na kapag ang pamilya na niya ang pinuntirya ng mga basher, dito na siya maluhaluhang sumagot kay Boy.
“Kapag po tungkol sa family…kapag binabastos 'yung mama ko, 'yung papa ko, 'yung mga kapatid ko, pero kapag sarili ko, kaya,” ani Kiray.
Dagdag pa niya, “Hindi ko maisip kung ano 'yung mga sinasabi basta kapag nagsabi lang ng hindi maganda Tito Boy nahu-hurt ako kaagad. Kunwari, nag-post ako ng sexy, tapos sasabihin sa mama ko, 'Hindi ka yata naturuan ng mama mo ng maganda kaya ka ganyan.'”
Para sa aktres, karapatan niya naman ang mag-post ng sexy photos niya sa kaniyang social media accounts at walang kinalaman dito ang kaniyang mga magulang.
“Pero 'yung totoo, para sa akin, ginusto ko 'yun, post ko 'yun, account ko 'yun, hindi naman 'yun account ng mama ko 'di ba? Magulat kayo kung nag-post ng two piece 'yung mama ko,” biro pa ng aktres habang nagpupunas ng luha.
Samantala, tignan ang sexiest photos ni Kiray Celis sa gallery na ito:




































