Kris Lawrence, kinumpirmang ninakawan siya ni Alvin Aragon sa sarili niyang bahay

Kumakalat ngayon sa social media ang video ng controversial personality na si Alvin Aragon kung saan inamin niyang marami siyang ninakawan noon.
Ayon kay Alvin, kahit mga personal na pag-aari ng kamag-anak niya ay nakuha niyang pag-interesan. Inamin din niya rito na nabiktima rin niya ang singer na si Kris Lawrence.
Ani Alvin, "Si Kris Lawrence, yung singer, ninakaw ko yung ng cellphone niya sa bahay niya".
Kwento pa ni Alvin, humingi siya ng sorry sa mang-aawit. "Tapos nakita ko si Kris Lawrence sa Gold's Gym sa Galleria, nag-pray ako. Lord, sabi ko, hingi akong tawad dito. Sinabi ko sa kanya, 'Kris, ako 'yung nagnakaw ng P900 mo.' Nagulat s'ya. Sabi ko, 'I'm sorry.'"
Kinumpirma naman ni Kris na totoong ninakawan siya ni Alvin.
Sa latest Facebook post niya, sinabi ni Kris na 2006 pa ito nangyari nang nakilala nila ng kapwa niya R&B singer na si Jay R si Alvin at iba pa nitong kaibigan sa isang bar sa Quezon City.
Ayon kay Kris, inimbitahan nila si Alvin at mga kasama nito sa kanyang bahay para ipagpatuloy ang kanilang drinking session.
Pagbabalik-tanaw niya, "Pansin namin na sumisikat na yung araw. Pack up na and umalis na sila.
"When I was going back to my room, I noticed that nawawala cellphone ko. Hanap ako nang hanap. Wala ngani."
Dito na nakatunog si Kris. Patuloy niya, "For me, nakakapagtaka kasi hawak ko naman yung cellphone ko dun sa studio and apat lang naman kami. Talagang it's weird.
"I think na-guilty yung isang friend n'ya and tinawagan niya ako and inamin na si Alvin nga yung kumuha."
Kinompronta ni Kris si Alvin matapos tangayin ang cellphone niya sa sarili niyang pamamahay. "I was like dude, why would you do that? Why would you steal from me in my own house, bro? That's like so disrespectful."
Ika pa ni Kris, nag-sorry naman si Alvin sa kanya pero hindi niya naiwasang magalit dito.
"Nag-sorry s'ya and honestly my fists were balled up. Gusto ko siyang suntukin pero I know that violence is never the answer. I said it's okay. Medyo binibigyan ko pa rin siya ng attitude. Understandable naman kasi ninakaw nga niya yung cellphone ko."
Sa kabila ng pagkakamali ni Alvin, inintindi na lang ni Kris ang una. "I know he's in a better place now. I know he's Christian and alam ko naman na mabait si Alvin."
Dugtong pa ni Kris, "Ikaw kasi, Alvin, kinalimutan ko na 'yun, pinaalala mo pa."
Sa dulo ng video, nakuha pang biruin ni Kris si Alvin. Hirit niya, "Oo nga, naibalik mo ba?"
Video courtesy of Kris Lawrence (FB)
Usap-usapan ngayon si Alvin dahil sa kanyang matatag na paninindigan tungkol sa ilang isyu na umuugnay sa kanyang pamilya.
Naging sentro siya ng atensyon dahil sa kanyang mga kontrobersyal na pahayag tungkol sa pag-alis ng kanyang asawa na si Izzy Trazona sa iconic all-girl group na SexBomb Girls, pati na rin sa kanyang mga sensitibong komento tungkol sa panganay ni Izzy na si Sofia Trazona, isang trans woman.
RELATED GALLERY: Get to know Alvin Aragon, the husband of SexBomb Izzy Trazona









