Marami ang nagulat at natuwa sa naging resulta ng nagdaang Gabi ng Parangal para parangalan ang mga pelikulang lumahok sa Metro Manila Film Fest 2025. Ngunit walang ibang mas nagulat kundi kay Krystel Go, ang bida ng pelikulang “I'mPerfect.”
Naiiba ang pagkapanalo ni Krystel dahil siya ang pinaka-unang aktres na may down syndrome na nakapag-uwi ng nasabing award. Parehas sila ng condition ng kaniyang leading man na si Earl Amaba.
Sa Fast Talk with Boy Abunda, inamin ni Krystel na hindi niya inaasahan ang kanyang pagkapanalo, lalo na't ang mga kasabayan niya sa naturang kategorya ay mga primyadong aktres tulad nina Nadine Lustre, Bianca de Vera, at Angelica Panganiban.
Nagkuwento rin ang ang producer ng pelikula na si Sylvia Sanchez kung kumusta katrabaho sina Krystel at Earl.
Alamin ang kanilang kwento sa gallery na ito:
Pag-amin ni Krystel, hindi niya inasahan ang pagkapanalo bilang best actress sa MMFF 2025.
Sa katunayan, nanginig pa ang tuhod niya at halos nawalan siya ng balanse nang malaman na siya ang itinanghal na Best Actress.
Maituturing naman ni Krystel bilang answered prayer ang kaniyang pagkapanalo.
Samantala, masaya naman si Sylvia at fulfilled ang pakiramdam para kay Krystel. Sabi ng batikang aktres, parte ng pangarap niya simula day one ang makakuha ng awards ang kanilang mga aktor.
Sabi pa ni Sylvia, "From day one noong ginawa namin ang pelikula na palagi kong sinasabi sa mga magulang na ''Yung mga anak n'yo will make history.'
Aminado rin si Sylvia na pagkabasa pa lang niya ng script, nakita na niya ang potensyal ng pelikula at sinabing naramdaman niyang makakakuha ng mga parangal ang pelikula.
Masaya rin si Krystel sa suportang natanggap mula sa kaniyang pamilya at mga kamag-anak. Sabi pa ng young actress, "Marami ang nagdadasal para sa akin, 'yun 'yung nagiging motivation ko bakit ako nanalo."
Pamilya rin ang motivation ni Sylvia para gawin ang pelikula. "Dahil meron nga din akong pamangkin na hindi namin maipasyal, puro panlalait, panliliit, so sabi ko, 'I think this is the right time,' 2025 na, come on, wish namin na makalakad sila, makasama, makapunta sila sa mall nang wala nang tumitingin mula ulo hanggang paa, inclusivity," pagbabahagi ni Sylvia.
Dagdag pa ng beteranang aktres, "Ang gusto kong mangyari Kuya Boy is for them to be heard, to be seen, to be valued, mahalin sila."
Ayon kay Sylvia, nag-audition sina Krystel at Earl simula October hanggang December. January naman hanggang May nang sumailalim sila sa acting workshop.