Ilang buwan matapos kilalanin bilang first Filipina actress na nanomina sa prestihiyosong Golden Globe Awards at British Academy Film Awards (BAFTA) bilang Best Supporting Actress para sa international film na Triangle of Sadness, hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Dolly De Leon sa mga papauri at pagkilalang kaniyang natatanggap.
Sa Fast Talk with Boy Abunda, masayang sumalang si Dolly sa isang one-on-one interview kasama ang batikang TV host na si Boy Abunda kung saan ikinuwento niya ang estado ng kaniyang buhay ngayon.
Narito ang ilan sa mga mahahalagang detalye ng kumustahan nina Dolly at Boy:
Nagsimulang umingay ang pangalan ni Dolly De Leon nang makasama siya sa international film na 'Triangle of Sadness.' Dito ay gumanap siya bilang isang cruise ship cleaner na si Abigail. Ang kaniyang mahusay na pagganap dito ay kinilala sa sa prestihiyosong Golden Globe Awards at British Academy Film Awards (BAFTA) nang manomina siya bilang Best Supporting Actress.
Si Dolly De Leon ang kauna-unahang Filipina actress na nanomina sa Golden Globe Awards at British Academy Film Awards (BAFTA).
Ayon kay Dolly, ang natatanggap niyang pagkilala ay naging daan upang mas maging masaya ang kaniyang buhay ngayon. Aniya, “I've become a happier person, I was really down in the dumps before this happened. I was really in a bad dark place before.”
Inamin naman ng award-winning actress na talagang sumama ang kaniyang loob nang hindi siya manomina sa prestihiyisong Oscars.
Aniya, “Yes I was, of course. Kasi, Kuya Boy, I was there for two months promoting the film, I went through what they call an Oscar campaign. Kumbaga, ang trabaho ko is to make sure na mano-nominate kami, yung pelikula, ako, at kung sino man sa amin ang dapat ma-nominate. So, I was away from home for two months, doing that, being away from my children, kumbaga, blood, sweat, and tears 'yun, e. Imagine you are working at something that hard and then you don't get it so siyempre sumama loob ko.”
Paglilinaw ni Dolly, mabilis naman niyang natanggap ang nangyari sa Oscars. Aniya, “Pero 'yung sama ng loob ko, siyempre, it was more of dahil napagod ako at pinaghirapan ko tapos hindi ko nakuha. Pero okay na ako after a while, siguro mga two or three days lang ako nag-mourn, which I think is normal. Kasi, we, as human beings, we are allowed to feel bad, 'di ba? And then, okay na ako, pumunta pa nga ako doon in solidarity with our filmmakers.”
Kung may natutunan man si Dolly sa lahat ng magagandang bagay na nangyayari sa kaniya ngayon, ito ay ang palaging maging mabuting tao.
“What I also learned about this whole thing is that we always have to be kind to everyone that we encounter and that's basically it,” ani Dolly.
Ayon pa sa aktres, may mga taong bumuti na rin ang trato sa kaniya ngayon simula nang maging internationally-acclaimed actress.
“The big difference is people who have been not so kind suddenly are so kind now,” saad niya.
Tanong naman ni Boy, “How do you handle that?”
“I treat them with kindness. Kung pinili nilang maging mean or snobbish before hindi ko sila gagayahin, I will not stoop to their level,” sagot naman ni Dolly.
Sa ngayon, abala na rin si Dolly sa kaniyang mga nakapilang proyekto ngayong taon matapos ang kaniyang shooting para sa international movie na 'Grand Death Lotto,' kasama sina Simu Liu, Awkwafina, at John Cena.
Tapos na rin ang shooting ng kaniyang upcoming independent film na, 'Between the Temples.'