Lolit Solis, nanatiling hopeful sa huling post: 'I love life'

Bago pumanaw ang veteran showbiz columnist na si Lolit Solis, nag-iwan pa siya ng isang emosyonal na post tungkol sa kaniyang karanasan sa ospital.
Sa Instagram, taos-pusong nagpasalamat si Lolit sa mga dumalaw sa kaniya sa ospital, lalo na sa matalik niyang kaibigan na si Salve Asis.
"Salve sobra akong grateful talaga sa pagdalaw nyo sa akin sa hospital. Talagang hindi ko akalain at my age dun pa ako mako-[confine] at magkakasakit," sabi ng columnist.
Ikinuwento din ni Lolit na nagkaroon siya ng anxiety attack dahil sa hindi inaasahan na pangyayari na siya ay ma-ospital.
Sa kabila ng kaniyang sakit, ibinahagi nito na siya ay natuwa nang dalawin siya ng kaniyang mga kaibigan sa ospital.
"Tuwang tuwa ako talaga ng dumaan ang grupo nila Jun Lalin, Ian Farinas, Gie Trillana, Anna Pingol, Randolf at Salve para tingnan ang kalagayan ko. So grateful for my friends na talagang tinignan ang kalagayan ko," sabi ni Lolit.
Dagdag nito at inamin na naging "lost" siya tuwing gigising, "Medyo hindi ako talaga sanay sa hospital scenario kaya culture shock para sa akin ang mga nangyayari. Everytime I wake up in the morning shock ako na nasa ibang kuwarto ako."
Hindi man nito maintindihan ang kaniyang nararamdaman pero inamin niya na "I feel everything happening is new to me."
"Kaloka dahil talagang nagtataka ako na now ako nagkaganito. I feel like crying pero wala na akong magagawa," sabi nito na tinanggap na lang ang kaniyang kalagayan.
Sa isang karugtong na Instagram post, nagpasalamat naman ito sa kaniyang mga doktor na inalagaan at hindi siya iniwan. Ibinahagi niya din ang kaniyang mga realizations noong siya ay may sakit.
"Ang hirap pala ng may sakit. Hopeless, helpless, weak ka. Para bang hindi mo alam where and what to do. I feel it was already late for me para magkaruon ng ganitong episode sa buhay. Pero alam mo naman si GOD alam niya when or where ibibigay sa iyo ang mga bagay," sabi ni Lolit.
Sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat ang columnist dahil matanda na siya nang magkaroon ng sakit dahil mayroon na itong "pasensiya at wisdom."
Nanatiling positive si Lolit at hiniling na siya ay gumaling na agad dahil sabi nito, "I love life. I love my works. I love my friends. I live life like everybody else."
"But if being sick is a sacrifice I have to experience, it was an eye opener for me," ipinaliwanag ng columnist. "Like going thru the medical procedures, mga ginagawa sa iyo sa hospital, lahat new sa akin."
Sa dulo ng kaniyang post, nagpasalamat ito sa ospital at feel nito na siya ay "spoiled patient" dahil sa sobrang caring ng mga ito kaya naman naniniwala itong gagaling agad.
Kinumpirma ng aktor na si Niño Muhlach ang pagkamatay ni Lolit sa isang social media post. Ayon sa pamilya ng columnist, namatay ito dahil sa heart attack.
Kilala si Lolit bilang isa sa mga pinaka-pinagkakatiwalaang showbiz columnists sa industriya. Naging bahagi din siya ng talk show ng GMA na Startalk mula 1995 hanggang 2015.
SAMANTALA, BALIKAN ANG NAGING MAKULAY NA BUHAY NI MANAY LOLIT SA GALLERY SA IBABA











