Lotlot de Leon, may buwelta kay Ian de Leon: 'Bakit puro kasinungalingan ang mga lumalabas sa bibig mo?'

Nagsalita na ang aktres na si Lotlot de Leon tungkol sa usaping mana at pera matapos pumanaw ang kanyang ina at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor.
Sa presscon ng kanyang upcoming film na 40 Days, naglabas ng saloobin si Lotlot matapos umere ang interview ni Ian de Leon sa Fast Talk With Boy Abunda noong Biyernes, June 19, kung saan sinabi niyang puro “kasinungalingan” ang mga binitawang impormasyon ni Ian tungkol sa mga iniwang mana ng kanilang ina.
"Ian was interviewed before I came here. He was in Fast Talk With Boy Abunda. Hindi ko siya nakausap ng isang taon na," sabi niya.
"So many things have been said about me, about Matet, about my two brothers. I have never said anything. Why? Because, nirerespeto ko pa rin ang mommy ko at nirerespeto ko ang daddy namin, si Christopher de Leon," dagdag niya.
Aminado si Lotlot na noon pa man, kahit buhay pa ang kanilang ina, marami nang ibinabatong salita laban sa kanya tulad ng “walang utang na loob” at “suwail na anak.” Gayunman, hindi na lamang niya ito pinapansin, maliban sa mga umano'y kasinungalingan.
"I came out with a statement a few months ago, because what's being thrown at me is 'mana'," saad niya.
"'Yung mana na 'yan. Just to clarify. Let me be clear, wala akong hinahabol na mana. Wala akong hinihinging mana. Ni piso wala. Kaya kong magtrabaho at magpakahirap at magpuyat," paliwanag niya.
Sinabi rin niya na ang tanging naiwan ni Nora ay ang mga lupain sa Bicol.
"And after my mom died, to be honest, kinausap ko si Ian. Noong pagkalibing ni mommy, noong after a few weeks. Tinanong ko siya, are you willing to share the properties of mommy, and tinanong ko 'yan without Matet, Kiko, and Ken knowing. Why? Kasi naawa ako dun sa tatlo e," kuwento niya.
Nilinaw ni Lotlot na tanggap nilang magkakapatid na kung anuman ang naiwan ng kanilang ina ay para kay Ian.
"Walang nanghihingi niyan. Walang nang-aagaw," emosyonal niyang sinabi.
"At sinabi ko kay Ian, if you are willing to share your properties with us, maraming salamat. Kung hindi, okay lang. Walang problema. I just wanted to know if he would," bigyang linaw niya.
Binigyang-linaw din ni Lotlot ang tungkol sa itinatag na foundation para ipagpatuloy ang legacy ni Nora.
"Tungkol naman doon sa foundation, tinanong ko siya. Sabi ko, are you willing to do the foundation with us? Sabi ko magtayo tayo ng foundation to continue her legacy. Anong sinabi niya? I am not ready. Wala akong ilalabas na pera at lahat ng usapan namin ni Ian, nasa text 'yan, may kopya ako," aniya.
Sa kabila ng kanilang pag-uusap, sinabi ni Lotlot na naglabas si Ian ng pahayag sa social media na wala raw siyang alam tungkol sa foundation na naitayo na nila.
Inamin niya na labis siyang nasaktan dito dahil ayon sa kanya, alam ni Ian ang plano tungkol sa foundation.
"Hindi ko maintindihan, bakit puro kasinungalingan ang mga lumalabas sa bibig mo, Ian?" sabi niya kay Ian.
Video courtesy of Jun Nardo (FB)
Kinumpirma ni Ian ang pagpanaw ni Nora noong April 16, 2025.
Mula nang pumanaw si Nora, sumiklab ang usapin tungkol sa mana sa pagitan ng magkakapatid na sina Ian, Lotlot, Matet, at Ken.
RELATED GALLERY: Kilalanin ang mga anak ni Superstar Nora Aunor














