'Magandang balita': Ate Gay, wala na ang bukol sa leeg at ilong

Nagbigay ng update ang komedyanteng si Gil Aducal Morales, o mas kilala bilang Ate Gay tungkol sa kanyang kalusugan.
Sa kanyang Facebook post, ipinakita ni Ate Gay ang larawan habang nasa ospital, kung saan nakangiti siya kasama ang kanyang doktora. Ipinarating din niya ang magandang resulta ng kanyang MRI (Magnetic Resonance Imaging).
"Magandang balita wala na akong bukol sa ilong at leeg result ng MRI yeheyyyy. Thank you, Lord Jesus," sulat ni Ate Gay.
"[Apat] na lang na immuno (every 21 days) ay tapos na.... Salamat po sa dasal at sa mga anghel ko," dagdag niya.
Sa episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho noong September 2025, ipinagtapat ni Ate Gay na mayroon siyang Stage 4 cancer. At makalipas ang isang buwan, ibinahagi niya sa programa ang pag-impis ng bukol sa kanyang leeg.
Noong November 2025, masayang ibinahagi ni Ate Gay sa isang Facebook post na naka-"graduate" na siya sa chemotherapy.
Samantala sa pagbisita sa Fast Talk with Boy Abunda noong Marso, ipinarating ni Ate Gay ang pasasalamat sa mga taong tumulong sa kanyang pagpapagamot, kabilang ang Sparkle artist na si Heart Evangelista.
Samantala, tingnan ang ilang celebrity cancer survivors sa gallery na ito:


























