Hindi naging madali para sa singer-songwriter na si Maki ang makapasok sa entertainment industry. Ayon sa “Dilaw” singer, walang nakaaalam o nakinig noon, sa pinakauna niyang single bukod sa kaniyang mga magulang na all-out ang suporta.
Sa pagbisita ni Maki sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, August 7, binalikan ni King of Talk Boy Abunda ang pinakaunang single niyang “Halaga” at tinanong ang kuwento nito.
Sagot ni Maki, “'Yung first ever single ko na 'Halaga,' wala po talaga masyado nakakaalam, even now, na meron akong kanta na 'Halaga.' Pero 'yung kanta pong ito, ito 'yung nagbigay sa 'kin ng hope, at the same time.”
Tingnan kung paano nakatulong ang mga magulang ni Maki para ipagpatuloy niya ang laban upang maging singer sa gallery na ito:
Inalala ni Maki ang panahon kung kailan walang views o traction ang kaniyang awitin sa online streaming platform na Spotify.
Dahil dito, pakiramdam ni Maki ay binigo niya ang sarili, lalo na at inakala niyang iyon na ang magiging simula ng kaniyang karera dahil nakapaglabas na siya ng sariling kanta.
Kuwento ni Maki, kukuha lang siya noon ng tubig sa kusina, na katabi ng kuwarto ng kaniyang mga magulang, nang marinig niya ang kaniyang awitin. Aniya, inii-stream pala ng kaniyang ama tuwing umaga at gabi ang kaniyang kanta.
Doon umano napagtanto ni Maki na hindi siya pwedeng sumuko dahil kasisimula pa lang naman niya.
Dagdag pa ng singer-songwriter, lalo siyang nabuhayan ng loob na huwag sumuko dahil alam niyang nandiyan ang mga magulang niyang naniniwala at nakikinig sa kaniyang mga awitin.
Para kay Maki, ang pakikinig ng kaniyang mga magulang sa kanta niya ay isa lamang sa mga paraan ng pagpapakita nila ng suporta.
Pag-alala ni Maki, maraming nakapansin ng magagandang damit niya kahit kakasimula pa lang niya. Ayon sa singer, bago paman siya sumikat bilang isang singer ay ipinamimili na siya ng kaniyang ama ng mga magagandang damit sa mga ukay-ukay.
Paraan umano ito ng kaniyang tatay para tulungan si Maki sa paghahanda sa mga event, concert, at panayam na gagawin niya.
Ayon pa kay Maki, sobrang pinahahalagahan niya ang kaniyang mga magulang.
Ang mga magulang ni Maki ang bahagi rin ng mga dahilan kung bakit nakasulat siya ng mga makukulay na kanta, na pinakikinggan ngayon nang marami.