Mark Herras at Rainier Castillo, binuko kung sino sa kanila ang tunay na 'babaero'

Isang masayang kuwentuhan ang pinagsaluhan ng StarStruck Season 1 survivors na sina Mark Herras at Rainier Castillo kasama ang batikang TV host na si Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda.
Bukod sa kanilang pagbabalik-tanaw sa naging pagsali noon sa nasabing reality talent search competition, naging bukas din ang dalawa sa kanilang mga naging “kalokohan” noon.
Kuwento ni Rainier kay Boy, hindi marunong manligaw noon ang kaibigan na si Mark.
“Hindi 'to marunong manligaw Tito Boy,” sabi ni Mark kay Boy.
Dugtong naman ni Mark, “Tito Boy, lagi akong napagkakamalan na ako 'yung babaero pero ito [Rainier Castillo] 'yung babaero, Tito Boy.”
Ayon kay Rainier, sadyang siya lang ang mas madaldal sa kanila ni Mark kung kaya't siya ang laging inuutusan ng huli na makipag-usap sa babae.
Aniya, “Madaldal lang ako Tito Boy, pero kapag siya meron siyng type [sasabihin niya sa akin], 'Boy, lapitan mo 'yan. E, ako, malakas ang loob ko, ako 'yung lumalapit. Sasabihin ko, 'Gusto kang makilala ni Mark.'”
Dagdaga naman ni Mark. “Wala lang sa image ko Tito Boy pero mahiyain ako, torpe, at saka conservative, hindi lang halata.”
Dito naman nagtawanan ang staff sa studio ng Fast Talk with Boy Abunda, na siya rin pa lang mga staff noon sa StarStruck.
Pambubuko naman muli ni Rainier sa kaibigan na si Mark, “Noong umpisa hindi siya marunong manligaw tapos nung tumagal, napag-aralan niya na 'yung mga technique.”
Depensa naman ng tinaguriang OG Bad Boy ng dance floor na si Mark, “Ako naman kasi malambing ako Tito Boy. Ako yung tipo siguro ng lalaki na wala pa kayong relasyon pero kung i-treat ko na 'yung babae akala mo jowa ko na.”
Sa ngayon pareho nang may sariling pamilya sina Mark at Rainier. Mapapanood naman si Mark bilang guest sa upcoming GMA Afternoon Prime series na The Missing Husband habang magbabalik acting na rin si Rainier sa bagong action series na Black Rider.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.














