Naging usap-usapan kamakailan lang ang video ng dating StarStruck Ultimate Male Survivor na si Mark Herras. Mapapanood kasi sa naturang video na kumalat na sa ilang social media sites na umiiyak ang aktor, dahilan para magbunga ng iba't ibang espekulasyon.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, April 17, inamin ni Mark na dumaan siya sa matinding depresyon. Ngunit nilinaw rin niyang wala itong kinalaman sa pera o trabaho. Sa halip, paraan lamang niya umano ito para mailabas ang nararamdaman.
Alamin ang naging karanasan ni Mark sa kaniyang depresyon sa gallery na ito:
Ayon kay Mark, random lang ang episodes ng depression kaya hindi ito pwedeng paghandaan. Sabi pa ng aktor, "Minsan masaya ka, tapos bigla na lang parang..."
Aminado si Mark na dumaan din siya sa mga biglaang depression. Sa katunayan, sa isang beses na nangyari ito, naalala ni Mark ang kaniyang mga magulang.
Pagbabahagi ni Mark, "May mga times na I was driving, ta's maaalala ko 'yung parents ko, ta's bigla akong parang 'Nakapagpasalamat ba ako sa inyo?' Tapos bigla akong magbe-break down."
May isa rin umanong pagkakataon na naalala niya ang kaarawan ng kaniyang ina, at nakatulog na lamang siya sa kaiiyak.
Ayon kay Mark, ang kaniyang pananampalataya ang nagsalba sa kaniyang depression, "Kumbaga kung 'yung depression ko ang magiging dahilan para masira ako o masiraan ako ng ulo, siguro dapat matagal na nangyari sa 'kin 'yun, Tito Boy."
Ani Mark, nandirito pa rin siya, "I'm still surviving, I'm still fighting." Pagpapatuloy pa ng dancer-actor, dumadaan lang ang mga episode na iyon sa buhay niya, ngunit hindi ibig sabihin na magiging dahilan na rin iyon para tumigil siya.
"Pero siyempre, once in a while, meron siya, pero hindi ako nagpapatalo. Kumbaga, parang 'Bahala ka sa buhay mo,' sabi ni Mark.
Para kay Mark, malaking factor din ang kaniyang pamilya upang manatiling malakas at matatag sa kabila ng kaniyang depression.
Nilinaw ni Mark na maayos ang relasyon nila ng asawang si Nicole Dones. Nilinaw rin ng aktor na walang katotohanan ang mga kumakalat na balitang hiwalay na sila.
Importante rin umano kay Mark ang kanilang mga anak na sina Corky at Mija, maging ang anak niyang si Ada sa dating partner na si Diane Evangelista.