Michelle Dee, muling nagsampa ng reklamong qualified theft laban kay Alyas Totoy

Muling naghain ang aktres na si Michelle Dee ng reklamong Qualified Theft laban sa dating driver ng kaibigan na si Rhian Ramos na si Alias Totoy matapos itong mabasura ng Makati Prosecutor's Office.
Matatandaan na noong January 19 unang nag-file si Michelle ng reklamo laban kay alyas Totoy, ngunit binasura ito ng Makati Prosecutor's office. Kailangan umano itong ma-refile para masunod ang tamang proseso dahil hindi na maaaring ma-inquest ang inirereklamo.
Paliwanag ng abogado ni Michelle na si Atty. Maggie Garduque, “Naging issue lang po doon sa resolution ng City prosecutor noong January 19 inquest investigation is whether or not subject for inquest 'yung kaso. Kaya sinabi nila, dalhin sa regular preliminary investigation at doon natin iimbestigahan, at saka nila aaksyunan ang merits ng kaso, whether or not there is a reasonable certainty of conviction to indict [alyas Totoy] for qualified theft na finile ni Ms. Michelle Dee.”
Nag-file si Michelle ng qualified theft laban kay Totoy matapos nitong kuhanin ang angpao na naglalaman umano ng sampung valuable items nang hindi alam ng actress-beauty queen. Sa isang pahayag, sinabi rin ni Garduque na naibalik na ang siyam sa mga ito sa tulong mismo ng asawa ng driver, ngunit hindi pa rin mahanap ang huling item.
Samantala, ngayong Martes, February 3, binalikan ni Totoy ang Makati police station kung saan siya unang dinala ni Michelle. Alegasyon niya, sinaktan umano siya ng mga pulis habang naka-detain simula January 19 hanggang makalaya noong January 22.
Nangako naman si Makati Chief of Police Col. Pedro Alagano ng full transparency at cooperation sa investigation team. Sa katunayan, binigyan pa ng naturang station ang NBI ng kopya ng CCTV footage habang nandu'n si alyas Totoy.
RELATED FEATURE: Mga celebrities na ninakawan

































































