Mon Confiado slams Facebook page that posted fabricated story about him

Hindi ikinatuwa ng batikang aktor na si Mon Confiado ang post ng isang Facebook page na gumawa ng paninirang kuwento tungkol sa kaniya.
Sa post kasi ng content creator ng naturang page na may pangalang “Ileiad,” nagkita umano sila ni Mon sa isang grocery store sa Marikina City. Humiling daw ito ng picture kasama si Mon, pero base sa kaniyang kuwento ay tumanggi ang aktor at dinuro-duro umano siya sa mukha.
Dagdag pa nito, hindi raw binayaran ni Mon ang mga tsokolateng binili niya sa grocery at pinagsisigawan pa umano nito ang cashier.
Sa kaniya namang Facebook account, naglabas ng saloobin si Mon at sinabing walang katotohanan ang kuwentong ito ng “Ileiad.”
“Ayoko na sana patulan itong certain Ileiad na ito… pero tama pa ba ang ginagawa ng mga content creator na ito? Gumawa ng story using my name & my photo… na-meet daw nya ako sa grocery at magpapa-picture daw sya pero dinuro duro ko daw sya sa mukha at nakita nya na hindi ko binayaran ang 15 Milky Way Choco Bars na kinuha ko… at pinagsisigawan ko daw ang cashier ng grocery. Pinapalabas pa nito na magnanakaw ako,” post ni Mon.
Ayon sa award-winning actor, agad siyang nagpadala ng mensahe sa nasabing Facebook page. Sumagot daw ang may-ari ng page at umamin naman ito na gawa-gawa lamang ang kanilang post.
“Nung sinita ko, joke daw ito at ito ay “Copypasta” at biglang nilagyan ng “disclaimer” ang post nya pero huli na. Pero hindi pa din inaalis ang post nya,” ani Mon.
Ayon sa premyadong aktor, hindi ito magandang biro dahil paninira para sa kaniya ang ginawang kuwento ng “Ileiad,” at desidido siya na magsampa ng reklamo laban dito.
Aniya, “Joke at my expense? Joke pero nakakasira ng tao? Bakit ka magjo-joke sa'kin? Close ba tayo? Parang sobra na itong mga ito ah at para makakuha lang ng mga likes kahit makasagasa sila ng tao. Tapos sasabihin Joke. Ang daming nag-message sa akin at tinatanong kung totoo ba ito? Of course, Sabi ko hindi yan totoo. Never happened. At hindi ako ganung tao.”
Hindi rin daw nagustuhan ni Mon ang sagot sa kaniya ng content creator ng Facebook page nang sinabi niyang handa niya itong idemanda.
“At may pagka mayabang pa itong Ileiad na ito… nung sinabi ko idedemanda ko sya dahil ayaw pa nya tanggalin ang post nya. Threat daw ba ito? Grabe itong taong ito!” reaksyon ni Mon.
Sa updated post ng nasabing Facebook page, naglagay na ito ng disclaimer na nagsasabing fan lamang siya ni Mon.
“Disclaimer to the uninitiated: NONE OF THIS IS REAL. Mon Confiado forgive me, I'm just a huge fan,” saad sa naturang post.
Huling napanood sa GMA si Mon Confirado sa mystery-revenge drama series na Makiling.
RELATED GALLERY: BEWARE: Celebrities, nagbabala tungkol sa fake social media pages








































