Niño Muhlach, bakit ibinenta ang FAMAS award kay Boss Toyo?

Ilang former child star na ang nagbenta ng kanilang acting award trophies sa kilalang internet personality na si Boss Toyo. Kamakailan, bumisita rin ang dating Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis actor na si Niño Muhlach para ibenta ang isa sa kaniyang mga FAMAS award.
Sa vlog ni Boss Toyo o Jayson Jay Luzadas, ikinuwento niyang nakatanggap siya kamakailan ng isa pang FAMAS award mula umano sa child star na si Bentot Jr. Dahil umano dito ay tinawagan ng Pinoy Pawnstars owner si Niño.
Pag-alala niya, “Sabi ko, 'Sir, can I take dibs of your artifacts and memorabilia, and baka mabili ko 'yung isa niyang FAMAS, could you bring one?'”
Kaya naman, para pagbigyan si Boss Toyo ay pumunta ang dating child star, kasama ang mga anak na sina Sandro at Alonzo, dala ang ilan sa mga memorabilla niya. Ilan sa mga dala ni Niño ay mga lumang movie posters at posters mula sa commercials at advertisements niya noon.
Matapos ipakita lahat ng iba niyang memorabilla, inilabas na rin ni Niño ang kaniyang FAMAS award.
Paglilinaw ng aktor sa pagdala niya ng award kay Boss Toyo, gusto niyang maalagaan, ma-restore ang kaniyang trophy, at maisama sa binubuo nitong museum ang kaniyang mga memorabilla.
“Kaya ako, kung sakali man, gusto kong magkaroon ng isang area dun sa museum mo na halimbawa lalagay mo lahat ng mga pictures ko at 'yung trophy ko sa isang lugar,” sabi niya.
Nang tanungin ni Boss Toyo si Niño kung magkano niya ito ibebenta, sinabi niyang hindi niya alam. Kaya naman tinanong na niya kung pwede ba siyang magbigay ng offer.
Ngunit paglilinaw ni Boss Toyo, walang katumbas na presyo ang mga trophy nina Niño, Bentot, at Jiro Manio na nauna nang nagbenta ng kaniyang Gawad Urian award.
“Actually, wala talagang presyo 'yung mga trophy n'yo. Lahat, 'yung kay Jiro Manio, wala. Nag-set lang ako ng parang price na ito lang 'yung kaya ko,” sabi niya.
“Kumbaga, kung ano lang 'yung kaya ko, 'yun lang 'yung sinasabi ko. It's not nambabarat. Hindi kasi ako puwedeng magpanggap na bibilin ko 'yan na kaya ko, hindi ko naman kaya. Kung ano lang 'yung kaya ng bulsa namin, 'yun lang 'yung nilalabas namin dito kasi hindi ko nga ibinebenta,” pagpapatuloy niya.
Dahil din dito kaya hindi siya makapaglapag ng offer kaya sinabihan niya ang girlfriend niyang si Jhoy Maldo na ang magbigay. Dahil hindi sumagot sa unang presyo nila na Php100,000 si Niño, itinaas na agad niya ito sa Php150,000.
At nang hindi pa rin sumagot ang dating child actor, ibinigay na niya ang final price nila na Php200,000.
Ngunit sa offer na ito, si Sandro ang nagsalita, “Meet half-way, Php500,000,”
Dugtong pa ni Alonzo, “Deal or no deal.”
Sa huli ay kinuha ni Boss Toyo ang trophy sa halagang Php500,000.
Paalala ni Niño, “'Yung deal natin a? Aalagaan mo 'yan, ire-restore mo. Ang habol ko lang talaga is mailagay sa museum at maalagaan.”
TINGNAN ANG IBA PANG SHOWBIZ-RELATED ITEMS NA NAKOLEKTA NI BOSS TOYO SA GALLERY NA ITO:












