Niño Muhlach, totoo bang napabayaan ang kinitang pera sa pagiging child star?

Diretsahang sinagot ni Niño Muhlach ang matagal nang isyu tungkol sa pag-mishandle umano ng perang kinita niya noon bilang child star.
Tanong ni Carmina Villarroel kay Niño sa Sarap, 'Di Ba? noong September 9, "Ikaw ang tinaguriang child superstar noon at super dami ng kinita mo. Totoo bang may kinita ka na na-mishandle dati?"
Ayon sa dating child star, wala itong katotohanan.
"False." Diretsong sagot ni Niño habang nakaupo sa hot seat.
PHOTO SOURCE: Sarap, 'Di Ba?
Paliwanag ni Niño, sinigurado ng ama niyang si Alexander Muhlach na naitabi nang maayos ang mga pera na kinita niya noon bilang child star.
"'Yung daddy ko talaga, lahat ng kinita ko noong bata ako, kasi siya rin nagpo-produce ng mga pelikula ko e. Lahat ng kinita ko inilagay talaga sa trust fund na puwede lang galawin whichever comes first, college degree or 25 years old."
Kuwento pa ni Niño, ang ama niya raw ang nagpauso ng trust fund.
"Siya 'yung nagpauso ng trust fund. So magmula noon, nauso na 'yung ganoong pagha-handle ng pera ng mga child stars."
Tanong ni Carmina, kung wala itong katotohanan, saan nanggaling ang balitang ito?
Sagot naman ni Niño, "'Yung mga Marisol, Marites, mga ganoon."
Ang ibig sabihin ng Marisol ay "Mareng tagasulsol" habang ang Marites naman "Mare, ito ang latest." Ang mga ito ay ang mga tawag sa mga taong mahilig sa tsismis.
Kuwento rin ni Niño, masakit sa magulang ng isang child star na hanapan ng pera na pinagtrabahuhan niya noon.
"Napakasakit para sa isang magulang 'yung nag-artista 'yung anak mo tapos hiningi sa'yo ,tay, nay, nasaan 'yung kinita ko. Tapos wala kang maibigay 'di ba?"
Isa pang tanong ni Carmina ay saan nanggaling ang pera sa pagpapatayo ng kanilang apartelle.
Sagot ni Niño, "'Yun galing pa 'yun sa kinita ng mga pelikula ko. Ipinatayo ng daddy ko para sa akin."
Dugtong ni Niño, malaki ang pasasalamat niya sa ama dahil nasiguro nito ang magandang kinabukasan niya.
"Sobra-sobra [ang] pasasalamat ko sa daddy ko."
Tulad ni Niño, sumabak din sa pag-aartista ang kaniyang mga anak na sina Sandro at Alonzo Muhlach.
SAMANTALA, NARITO ANG MGA LARAWAN NI SANDRO MUHLACH:













