Nova Villa at Ces Quesada, naging emosyunal nang i-dub ang Korean movie na 'Picnic'

Sa tunay na buhay, kilalang matalik na magkaibigan ang seasoned actresses na sina Nova Villa at Ces Quesada. Kaya naman sila ang napili ni Sylvia Sanchez na mag-dub sa Mother's Days offering ng Nathan Studios, ang South Korean film na 'Picnic.'
Sa naturang pelikula na simulang ipinalabas sa mga sinehan ngayong Miyerkules, May 7, bibigyang boses nina Nova at Ces ang mga pangunahing karakter na sina Geum-soon at Eun-sim, na matalik na magkaibigan din sa pelikula. Ito ay ginampanan ng Korean actresses na sina Kim young-ok at Na Moon-hee.
Inamin ni Nova na hindi naging madali para sa kanya ang pagda-dub para sa proyektong ito.
“Noong tanggapin namin ito para i-dub, medyo nahirapan nang kaunti kasi yung reaction. Kasi, iba ang Tagalog, iba ang Filipino language at saka feelings ng Filipino language,” sabi ni Nova sa ginanap na maisking media conference bago ang movie premiere nitong Martes, May 5.
Patuloy niya, “So, kailangan naming pag-aralan nang mabuti. Our coach sa pagda-dub in Korean lived in Korea, so nagbibigay siya ng advice or paliwanag regarding yung takbo ng buhay ng mga Koreano.
“Pinag-aralan pa namin yun kaya medyo nahirapan din kami sa pagda-dub. Pero after that, inaalam naming mabuti kung ano ang nangyari doon. Kasi iba ang Filipino culture sa kultura doon.
“Pero after naming mapag-aralan, na-adapt namin sa sarili namin, so it's easy for us na i-dub into Tagalog.”
Habang nagpapatuloy, napahinto si Nova para pigilan ang sarili maging emosyunal.
Aniya, habang nagda-dub kasi, “Mismong kami, naaapektuhan. There are times that I stopped the dubbing. Hindi ko po mapigil ang pag-iyak, very touching and sentimental.”
Para naman kay Ces, mas nanaig noong una sa kanya ang excitement dahil fan siya ng mga Koreanovela.
“Hindi ako stranger sa Koreanovela. Na-excite ako kasi this is my first time to dub a full-length na feature na Korean,” aniya.
Pero katulad ng kanyang kaibigan, may mga pagkakataon din daw na bigla na lamang siyang naluluha habang nagda-dub.
Kuwento niya, “If you notice, naging emotional siya kanina, kasi in real life, may mga linya sa pelikula, I am speaking for myself, ramdam na ramdam namin. We're best friends in the movie and in real life, para kaming magkapatid.
“May linya kami na, 'Kapag mabubuhay ka ulit, ikaw ang guardian angel ko.' Sa totoong buhay, ganun siya sa akin.
“So, noong nagda-dub kami, may mga time na natatawa kami kasi nakikita namin ang mga sarili namin, magkaibigan na magkaaway. Hindi naman kami nag-aaway sa totoong buhay pero sometimes we argue, magbabati kayo, you know.
“Sa ganoong punto, naramdaman namin kaya may mga time na hindi namin alam kung bakit kami lumuluha.”
Sina Ces Quesada, Fyang Smith, Nova Villa, JM Ibarra, at Bodjie Pascua ang nagbigay boses sa main characters ng Korean movie na Picnic, na isinalin sa Filipino para sa Philippine premiere nito.
Source: Nathan Studios Inc.
Ayon sa dalawang beteranang aktres, isang magandang aral tungkol sa pamilya ang matututuhan ng mga manonood sa pelikulang Picnic.
Sa katunayan, sabi ni Nova, nakikita na rin niya sa pamilyang Pilipino ang ilang mga tagpo sa pelikula.
Aniya, “Nalulungkot din ako kasi mayroon din akong nakikitaan sa Filipino families, na ganun ang nangyayari. Nagiging materialistic tayo. Nagiging makamundong kabataan. Parang nababalewala ang pamilya, lalo na ang mga lolo at lola.
“Dito, makikita natin kung gaano sila kahalaga sa atin, kung gaano sila nakakaawa. This movie, sana'y magbigay ng magandang aral at mapanood ng mga kabataan how important ang pamilya, lalo na ang mga lolo at lola na nag-alaga noong maliit ka pa, baby ka pa, hanggang lumaki. Then, just like that parang wala na kasi ang iniisip mo na lang ang sarili mo. So, this is a very dramatic movie pero may lesson sa ating pamilya.”
Tamang-tama rin daw ito sa gaganaping Mother's Day ngayong Linggo dahil ipinapakita sa pelikula ang walang hanggang pagmamahal ng isang ina.
“Alam mo yung pagmamahal ng isang nanay ay hindi matatawaran. Lahat na lang ng kaya mong ibigay, ibibigay mo sa anak mo. Kahit na nasasaktan ka na, kahit na walang matira sa 'yo, ibibigay mo yun. Kahit wala silang ibalik sa 'yo.
“In that way, nararamdaman ko yun. Pero ang totoo kong anak ay hindi abusado, ha. Mabait ang anak ko. I'm talking about the selfless love that mothers have, na makikita n'yo rito sa pelikulang 'to.”
Bukod kina Nova at Cess, nagbigay boses din sa pelikula sina Bodjie Pascual, Fyang Smith, at JM Ibarra.
Tingnan ang behind-the-scenes photos nila rito:





