Isa sa P-pop idol na inabangan ng fans nang sumabak sa acting ay ang SB19 member na si Justin De Dios.
Sa kabila ng pagiging baguhan sa acting ay hinangaan ng marami ang husay na ipinamalas ni Justin bilang Ec'naad sa Sang'gre na napanood noong September 2025.
Sa pagsisimula ng 2026, inaabangan na ng fans ang leading role ni Angela Muji, mula sa P-pop girl group na Ppop Generation, sa Philippine adaptation ng hit Korean film na A Werewolf Boy, kung saan kasama niyang bibida ang ka-love team niyang si Rabin Angeles.
Narito ang ilan pa sa P-pop group members na mula sa performing ay sumabak na rin sa acting:
First major acting project ng SB19 member na si Justin De Dios ang hit fantaserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre kung saan napanood siya bilang Ec'naad, ang Punong-Bantay sa Pintuan ng Devas. Dito naka-fight scenes niya ang new-gen Sang'gres na sina Faith Da Silva, Angel Guardian, Kelvin Miranda, at Bianca Umali.
Sumabak din sa acting ang HORI7ON member na si Marcus Cabais. Naging parte siya ng 2018 film na My 2 Mommies at nag-tour sa South Korea para sa The Lion King musical kung saan gumanap siya bilang Young Simba.
Bibida si Angela Muji, mula sa P-pop girl group na Ppop Generation, kasama ang love team partner na si Rabin Angeles sa Philippine adaptation ng hit Korean film na A Werewolf Boy, na mapapanood na sa mga sinehan simula January 14.
Kabilang si Olive May, na dating miyembro ng P-pop girl group na Calista, sa Gen Z Barkada ng hit youth-oriented show na MAKA. Pumirma siya ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center noong May 2024.
Napanood na sa ilang pelikula at serye ang GAT member na si Ethan David tulad ng Manila's Finest (2025), Ang Mutya ng Section E (2025), at Seducing Drake Palma (2025).
Noong 2022, sumabak sa kanyang acting debut ang BINI member na si Mikha Lim kung saan napanood siya bilang Elle sa ikalawang season ng He's Into Her.
Kabilang ang BINI member na si Jhoanna Robles sa live theater adaptation na Tabing Ilog: The Musical noong 2023, kung saan bumida siya bilang Eds.
Bukod kay BINI Jhoanna, kasama rin sa Tabing Ilog: The Musical ang BGYO members na sina Akira Morishita at JL Toreliza, na kapwa gumanap bilang Rovic.
Matapos na ma-disband ng LITZ noong 2022, mas nag-focus sa acting si Ashtine Olviga na napanood sa ilang TV series at films tulad ng Marita (2023), Road Trip (2024), Manila's Finest (2025), at Ang Mutya ng Section E (2025). Bumida siya sa 2025 romance film na Minamahal, ka-partner si Andres Muhlach.
Napanood na sa ilang pelikula ang Alamat leader na si Taneo Sebastian tulad ng Expensive Candy (2022), Marita (2023), Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko (2024), at 2025 TV series na Ang Mutya ng Section E.