Paalam Maria Clara: Mga huling sulyap kay Julie Anne San Jose sa 'Maria Clara at Ibarra'

Isang nakaluluhang pagtatapos ng kwento ni Maria Clara ang napanood sa hit GMA Telebabad series na 'Maria Clara at Ibarra.'
Sa episode kagabi, February 10, ng pinag-uusapang historical portal fantasy series, si Maria Clara ang nabaril ni Padre Salvi (Juancho Triviño) nang ginamit niyang panangga ang kanyang katawan para proteksyunan ang pinakamamahal niyang si Ibarra (Dennis Trillo).
Bumuhos ang luha sa madamdaming pagganap ng Asia's Limitless Star na si Julie Anne San Jose bilang Maria Clara habang ito ay nag-aagaw-buhay bago tuluyang magpaalam kay Ibarra.
Nagtapos man ang kanyang pagganap bilang Maria Clara, naniniwala ang aktres na maraming kapupulutang aral ang serye na sumasalamin sa kasaysayan ng bansa.
"Para sa akin, isang obrang maituturing ang aming palabas. Ito ay siguradong kapupulutang aral, na maipamamana sa mga susunod pang henerasyon. Matapos man ang palabas na ito, ang kultura at kasaysayan natin ay habang buhay na nakatatak sa ating mga puso't isipan. Ito ang nagpapaalala sa ating mga karapatan bilang tao, at sa ngalan pag-ibig - sa sarili, sa kapwa, at maging sa bayan - tayo ay lumalaban at patuloy na lalaban."
Sa pagpanaw ni Maria Clara sa 'Maria Clara at Ibarra,' narito ang pagpupugay sa mahusay na pagganap ni Julie Anne sa karakter na minahal ng mga manonood sa telebisyon.











