Radio DJ Diego Bandido, pumanaw na sa edad na 47

Nabalot ng lungkot ang local FM radio industry matapos ianunsyo ng Love Radio ang pagpanaw ng isa sa mga seasoned radio host nito na si Michael Fantinalgo, o mas kilala bilang Diego Bandido.
Sa isang statement, ipinahayag ng buong Love Radio family ang kanilang matinding kalungkutan sa pagpanaw ng radio DJ, na magdiriwang sana ng kaniyang ika-48 kaarawan sa susunod na buwan.
Ayon sa opisyal na pahayag ng radio station, “Pumanaw na ang minamahal nating si Diego Bandido, na nakilala at minahal din ng marami bilang si Tang Henyo.
“Sa likod ng kanyang makulay na personalidad, walang kapantay na talento, at mga alaalang hatid ng kanyang boses, mananatili siyang bahagi ng puso ng bawat Kabisyo na kanyang napasaya at nakasama sa bawat pakikinig.
“Higit pa sa kanyang pagpapatawa, isa sa mga bagay na maaalala namin kay Diego Bandido ay ang kanyang matatag na pananampalataya sa Diyos. Sa pamamagitan nito, marami siyang nabigyang-inspirasyon at napalakas ang loob na patuloy na kumapit sa Kanya.”
Nagpasalamat din ang Love Radio sa inspirasyong iniwan ni Diego Bandido.
Aniya, “Maraming salamat, Diego Bandido, sa saya at inspirasyong iniwan mo sa amin. Mananatili kang bahagi ng puso ng bawat Kabisyo.”
Ilan din sa mga kapwa radio host ni Diego ang nagbigay-pugay sa kaniya, kabilang ang Barangay LS Forever host na si Mama Emma.
Sa isang malungkot na Facebook post, sinabi ng Kapuso DJ, “Baby, hanggang sa muli nating pagtatambal.”
Samantala, sinabi naman ni Nicole Hyala sa isang social media post na isang “malaking karangalan” ang makatrabaho ang tulad ni Diego Bandido.
“Isang malaking karangalan na nakatambal kita, Paps. Ikaw ang Kumikinang na Ulo na nagbigay-buhay, saya, at tawa sa ating Kumikinang na Tambalan,” sulat ni Nicole.
Source: Love Radio (FB) and Mama Emma (FB)
Dagdag pa niya, “Ang hirap isipin na wala ka na. Diyan ka na muna sa langit mambubuLOVEbog, Paps. Dito, iingatan namin ang mga alaala at tawanan na iniwan mo. Mahal na mahal ka namin!”
RELATED CONTENT: Filipino celebrities we lost in 2026















