Reunion projects ng showbiz personalities ngayong 2023

Naging taon ng naglalakihang showbiz reunion projects ang 2023.
Nangunguna na riyan ang reunion concert ng popular na love team noong '80s na sina Gabby Concepcion at Sharon Cuneta, na pinamagatang 'Dear Heart.'
Nagbukas din ang taong ito para sa iba pang proyekto mapa-pelikula man o TV.
Kabilang dito ang pagsasama ng on- and off-screen couple na sina Marian Rivera at Dingdong Dantes, na nagtambal muli sa big screen matapos ang 13 taon sa pamamagitan ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na 'Rewind.' Tulad ng reunion project ng DongYan, marami rin angnag-abang sa pagbabalik-tambalan nina King of Philippine Drama Christopher De Leon at Star for All Seasons Vilma Santos sa pinilakang tabing sa isa pang MMFF movie na 'When I Met You in Tokyo.'
Sa telebisyon naman, nagkaroon ng reunion ang mga artistang dati nang nagsama sa serye na nagkaroon muli ng pagkakataong magkatrabaho sa isang proyekto gaya nina Rhian Ramos at Dingdong Dantes na nagtambal sa 2009 GMA adaptation ng K-drama series na 'Stairway To Heaven.' Kung sa nasabing serye ay magka-loveteam ang dalawa, gumanap naman silang magkapatid sa hit Kapuso drama crime mystery series na 'Royal Blood.'
Nagkaroon din ng get-together si Rhian at ang kanyang 'The Rich Man's Daughter' co-star na si Glaiza De Castro nang mag-guest sila sa Manila fan meet ng Thai stars na sina Freen and Becky noong Hulyo.
Nag-viral naman sa Internet ang reunion ng 'Sis' hosts na sina Carmina Villarroel, Janice De Belen, at Gelli De Belen sa cooking talk show na 'Sara 'Di Ba?' kung saan host si Carmina. Sa nasabing programa, naging usap-usapan din ang guesting ng 'Gwapings' stars na sina Mark Anthony Fernandez, Jao Mapa, at Eric Fructuoso.
Sa susunod na taon, aabangan ang spin-off ng popular na telefantasya ng GMA na 'Encantadia' na pinamagatang 'Encantadia Chronicles: Sang'gre,' kung saan muling magsasama-sama ang 2016 version ng mga sang'gre na sina Glaiza, Kylie Padilla, at Sanya Lopez.
Marami na rin ang excited para sa reunion movie ng 'Tabing Ilog' stars na sina Paolo Contis, Kaye Abad, at Patrick Garcia.
Tingnan ang iba pang malalaking reunion projects sa showbiz ngayong 2023.










