Ini-reveal na ang mga pelikulang kabilang sa 22nd edition ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, na magsisimula sa August 6 hanggang 18.
Ang Cinemalaya 22 ay may temang "Reel Reflections," tampok ang mga pelikulang "sumasalamin sa ating mga karanasan at nagdadala ng mga pananaw na humuhubog sa ating pag-unawa sa sarili, sa kapwa, at sa lipunan."
Kasama sa full-length films na maglalaban para sa Balanghai Trophy ang 'A.ni.mál,' '2 Valid IDs,' 'Ganggang,' 'Hand of God,' 'Mag-iina,' 'Kaka sa Yawan,' 'Status: Rejected,' 'Tayo Lang ang Nakakaalam,' at 'Tirik.'
Maglalaban naman sa short film category ang 'Elenita Elene Elaine,' 'Honey, My Love, So Sweet,' 'Hoy, Hoy, Ingat!,' 'Kung Paano Kakalas,' 'Para-paraan,' 'Runo!,' 'Silkscreen,' 'Sorbetes,' 'The Keeper,' at 'The River Flows in Different Places.'
Narito ang ilang Kapuso stars na bibida sa mga pelikulang kabilang sa Cinemalaya 2026:
Bibida ang Sparkle actor na si Ruru Madrid sa pelikulang 'Hand of God' ni Mark Duane Angos. Makakasama niya rito sina Iza Calzado, Ronnie Lazaro, Sue Ramirez, KD Omalin, at Jhong Hilario.
Tampok sa 'Hand of God' ang kuwento ng isang sundalo na nagturo ng larong football sa mga bata sa isang liblib na baryo sa katimugang bahagi ng bansa, na pinaghihinalaang may kaugnayan sa mga terorista.
Kinunan ang 'Hand of God' sa Basilan. Sa report ni Aubrey Carampel para sa Balitanghali, ikinuwento ni Ruru Madrid na maraming misconceptions tungkol sa Basilan kung saan, aniya, ibang-iba sa kanyang karanasan pagpunta roon.
Balik-pelikula si Pokwang para sa '2 Valid IDs' nina Ma-an Asuncion-Dagñalan at Abet Pagdagdagan Raz. Makakasama niya sa pelikula sina Meryll Soriano, Joey Marquez, at Zaijian Jaranilla.
Tampok sa '2 Valid IDs' ang kuwento ni Sylvia (Pokwang), isang mahirap na magsasaka na hiningian ng remittance center ng dalawang valid IDs para makuha ang perang ipinadala ng kanyang kamag-anak para sa pagpapagamot ng asawang may severe chronic obstructive pulmonary disease (COPD). Ang problema, wala siyang kahit na isang ID.
Sa report ni Aubrey Carampel para sa 'Balitanghali,' ibinahagi ni Pokwang ang mensahe ng pelikula niyang '2 Valid IDs' na, aniya, ay sumasalamin sa nararanasang hirap ng mga ordinaryong Pilipino.
Bibida ang Sparkle actor na si Martin del Rosario sa queer film na 'Tayo Lang ang Nakakaalam' ni David Corpuz. Makakasama niya rito sina Yayo Aguila, Miguel Odron, at Epy Quizon.
Tampok sa 'Tayo Lang ang Nakakaalam' ang kuwento ng matagal nang magkarelasyon na sina Neil at Bong na kapwa malapit sa ina ng huli na si Gloria. Magbabago ang takbo ng kanilang buhay nang biglang magkasakit si Bong. Mahihirapan si Neil na balansehin ang trabaho at pag-aalaga kay Bong, habang sinusubukan naman ni Gloria na manatiling matatag para sa anak. Ang tatay naman ni Bong na si Benjie, susubukang muling mapalapit sa kanyang pamilya.
Matapos ang 14-taon, balik-Cinemalaya si Martin del Rosario para sa pelikulang 'Tayo Lang ang Nakakaalam.' Sa report ni Aubrey Carampel para sa 'Balitanghali,' ibinahagi niya na sinubok ang kanyang pagiging aktor sa pelikula. Hindi rin siya makapaniwala na muling bibida sa isang Cinemalaya entry.
Pagbibidahan ni Rocco Nacino ang pelikulang 'Tirik' ni May-i Guia Padilla kasama sina Floyd Tena, Chai Fonacier, Jess Mendoza, Glenn Sevilla Mas, Justin Mclaire, Brian Arda, Hershey Neri, Bor Ocampo, at Hope Summer Skye.
Tampok sa 'Tirik' ang kuwento ng pari na si Bert at taxi driver na si Santos, na ang simpleng pagdalaw sa burol ay nauwi sa maghapong pagtakas sa gustong pumatay sa kanila.
Sa report ni Aubrey Carampel para sa 'Balitanghali,' ipinarating ni Rocco Nacino ang saya na matuto ng malalim na acting at may sariling atake sa kanyang karakter.