Hindi maitago ni Ryza Cenon ang kaniyang saya sa pagbabalik niya sa GMA Network para bumisita sa Fast Talk with Boy Abunda. Halos pitong taon na ang nakaraan nang huli siyang nakatapak sa loob ng network.
“Kinakabahan at excited po kasi, siyempre, lahat po sila nakasama ko, from 'StarStruck.' 'Tapos, yung mga guard, pagpasok ko, kilala pa rin ako. Nakakatuwa po na mainit pa rin po 'yung pagtanggap nila sa 'kin kahit ang tagal ko na pong hindi nagpupunta dito,” sabi ni Ryza.
Sa pagbisita niya sa naturang GMA Afternoon Prime talk show nitong Lunes, July 14, tinanong siya ni King of Talk Boy Abunda kung ano ang best memory niya sa GMA Network. Tinanong rin siya ng batikang host kung bakit siya umalis, at kung handa ba siyang bumalik at gumawa muli ng proyekto sa GMA Network.
Alamin ang sagot ni Ryza sa gallery na ito:
Ayon kay Ryza, itinuturing niya ang GMA Network bilang kaniyang tahanan, lalo na dito umano siya nabuo noong maging parte siya ng 'StarStruck' season 2 noong 2004, kung saan nanalo siya bilang Ultimate Female Survivor.
Bilang 'StarStruck' alumna, isa sa mga hindi niya umano malilimutan ang kakaibang challenges na pinagdaanan nila.
Hindi rin umano malilimutan ni Ryza ang mga itinuro sa kanila ng kaniyang batchmates mula sa naturang reality artista search. Sa katunayan, hanggang ngayon ay dala-dala pa rin niya ang mga leksyon na iyon.
Inamin din ni Ryza na hindi niya inaasahan ang pagkapanalo niya bilang Ultimate Female Survivor noon. Aniya, ang inaasahan niyang manalo noon ay si LJ Reyes, na itinanghal bilang 'First Princess' ng season 2.
Ani Ryza, introvert siya at sobrang mahiyaan kaya naman, madalang siyang makakuha ng matataas na marka sa challenges nila. Dahil si LJ ang madalas makakuha ng top marks, siya ang nakita nila noon bilang magiging Ultimate Female Survivor.
Ang huling teledramang ginawa ni Ryza ay ang hit GMA Afternoon Prime series na Ika-6 na Utos, kung saan ginampanan niya ang karakter na si Georgia Ferrer. Paglalarawan niya sa kanyang karanasan sa naturang serye, "Para siyang weather for me. Iba-iba pong weather. May maganda, may masaya, basta po, iba-iba."
Noong 2018 nang umalis si Ryza sa GMA para lumipat sa ABS-CBN. Ayon sa aktres, gusto niyang mag-explore at makatrabaho ang iba't ibang mga aktor.
Nilinaw naman ng aktres na nagpaalam siya nang maayos sa GMA Network bago umalis. Saad ni Ryza, "Nagpaalam po ako ng maayos, umakyat po ako sa taas, inisa-isa ko po sila para magpaalam po."
Nilinaw din ng aktres na hindi naging madali para sa kaniya ang paglisan sa GMA Network. Sa katunayan, humingi pa siya ng payo sa iba't ibang tao tungkol sa paglipat niya ng ibang network.
Tinaong din siya ng batikang host kung babalik ba siya sa GMA kung mabigyan siya ng pagkakataon. Sagot ni Ryza, "Of course. Oo naman po."