Patuloy na hinahangaan at kinakikiligan ngayon ang pagsasama ng OPM power couple na sina TJ Monterde at KZ Tandingan.
Kamakailan lamang ay nag-viral ang mag-asawa dahil sa sorpresang Pamasko nila sa kanilang “Sarili Nating Mundo” team members, na nakatanggap ng tig-PhP100,000 bawat isa matapos na makumpleto ang kanilang 40-show world tour.
Tingnan ang ilan pang singer couples na pinagsama ng musika at pag-ibig sa gallery na ito:
Nakapag-establish na ng kani-kanilang pangalan sa music industry sina TJ Monterde at KZ Tandingan bago pa man mabuo ang kanilang kilig love story. Nagkakilala at nagtagpo ang dalawa dahil sa kanilang common friends--ang OPM icon na si Martin Nievera at X Factor Philippines alumnus na si Kedebon. Nagsimula sina TJ at KZ bilang magkaibigan bago pumasok sa isang romantic relationship noong 2015 at ikasal noong 2020 at 2023.
Noong 2024, naglabas ng duet version si TJ Monterde ng hit song niyang “Palagi” kasama ang asawang si KZ Tandingan, na nanguna sa iba't ibang music charts.
Isa sa pinakakilalang OPM power couple ay sina Ogie Alcasid at Regine Velasquez. Ikinasal ang dalawa noong December 2010 at isinilang ang kanilang unico hijo na si Nathaniel James noong 2011.
Ilan sa iconic duet songs nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez ay “Hanggang Ngayon” at “Sa Piling Mo, na naging love theme ng GMA telefantasya na Captain Barbell noong 2006. Kilala ang singer-songwriter na si Ogie sa kanyang mga awiting “Ikaw Sana,” “Bakit Ngayon Ka Lang,” “Kailangan Kita,” “Pangarap Ko Ang Ibigan Ka,” at “Kung Mawawala Ka." Sa kabilang banda, ilan sa mga sikat na awitin ni Asia's Songbird Regine ang “On the Wings of Love,” “Dadalhin,” “Pangako,” “You Are My Song,” at “Araw-Gabi”
Mahigit dalawang dekada nang kasal ang celebrity couple at singers na sina Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado, na ang kaisa-isang anak na si Jayda ay isang ring singer. Kilala ang dalawang OPM singers bilang “Phenomenal Diva” at “The Original Prince of Pinoy Pop.”
Isa sa sikat na duet ng mag-asawang Dingdong Avanzado at Jessa Zaragoza ay “Sa Aking Puso” na likha ni Vehnee Saturno. Ilan naman sa iconic songs ni Jessa ay “Siya Ba Ang Dahilan,” “Ikakasal Ka Na,” at “Bakit Pa?” Habang kilala naman si Dingdong sa mga awiting “Bakit Labis Kitang Mahal,” “To Love Again,” at “Walang Kapalit.”
Isa ang “Popstar Royalty” na si Sarah Geronimo sa pinaka tinitingala at minamahal na mang-aawit sa bansa. Ikinasal siya sa actr-singer na si Matteo Guidicelli noong 2020 matapos ang anim na taong relasyon.
Kilala si Sarah Geronimo sa mga awiting “To Love You More,” “I Just Fall In Love Again,” “Forever's Not Enough,” “Kilometro,” at “Tala.” Samantala, bukod sa acting ay pinasok din ni Matteo ang pagiging isang recording artist noong 2011 sa kanyang first single na “Someone Like You.” Noong 2016, inilabas niya ang kanyang unang self-titled album na Matteo Guidicelli.
Umibig at nagpakasal ang “Asia's Phoenix” na si Morissette Amon sa kapwa mang-aawit na si Dave Lamar. Nagsimula ang love story nina Morissette at Dave bilang LDR (long-distance relationship) kung saan naka-base noon ang huli sa U.S. Ikinasal sila noong June 2021 at kasalukuyang wala pang anak.
Ilan sa sikat na awitin ni Morissette Amon ay “Akin Ka Na Lang,” “Gusto Ko Nang Bumitaw,” “Naririnig Mo Ba,” at “Di Mapaliwanag.” Nakilala naman si Dave Lamar nang sumali ito noong 2013 sa unang season The Voice of the Philippines. Nag-audition din siya sa American Idol noong 2015. Bumuo sina Morissette at Dave ng musical duo na “From the Sea,” at noong 2022 ay ini-release ang kanilang eponymous EP, na naging soundtrack ng kanilang kasal.
Ikinasal noong 2020 ang singers na sina Jay R at Mica Javier. Nagkakilala ang dalawa sa isang charity event ng Black Eyed Peas member na si Apl.de.Ap. Noong 2013, naging recording artist si Mica ng Homeworkz at ini-release ang kanyang first single na “Tonight,” kung saan ka-duet niya si Jay R.
Kilala ang “King of R&B” na si Jay R sa mga awiting “Bakit Pa Ba,” “Kaibigan,” “Design for Luv,” at cover ng “Just The Way You Are.” Ilan naman sa mga awitin ni Mica Javier ay “Tonight,” “Heart Song,” at “Love Is.”
Isa sa kinakikiligang celebrity couple ngayon ay sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz o mas kilala bilang JulieVer. Nagkakilala sila noong 2018 at naging official noong 2022. Ayon kay Rayver, isa si Julie sa mga naging ka-close niya at naging best friend nang bumalik siya sa Kapuso network.
Noong 2022, naging matagumpay ang first concert together nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz na tinawag na 'JulieVerse.' Bukod sa songs at dance numbers, nasorpresa ang lahat sa concert, maging si Rayver, nang mag-“I love you” rin sa kanya ang aktres.
Isa sa pinakasikat na celebrity couple singers noon ay sina Martin Nievera at Pops Fernandez. Nagkakilala ang dalawa noong 1982 at ikinasal noong 1987. Nagkahiwalay ang dalawa noong 1999 at opisyal na a-annual noong 2000. Nagkaroon sila ng dalawang anak, sina Ram at Robin. Sa ngayon ay mabuting magkaibigan ang dalawa.
Noong February 2025, nag-reunite ang Philippines' Concert Queen and King na sina Pops Fernandez at Martin Nievera sa Valentine concert na “Always & Forever” sa Mall of Asia Arena.
Kinakiligan rin noon ang relasyon ng ex-celebrity couple na sina Rico Blanco at Maris Racal. Noong 2024, kinumpirma ni Maris ang kanilang paghihiwalay matapos ang limang taong relasyon.
Nagkaroon ng collaboration sina Maris Racal at Rico Blanco sa mga kantang “Abot Langit” at “Asa Naman.”
Isa sa pinaka sinubaybayang love team noon ay ang JaDine nina James Reid at Nadine Lustre. Nagkaroon ang dalawa ng ilang duet songs tulad ng “No Erase,” na naging original soundtrack ng kanilang hit movie na 'Diary ng Panget' (2014); “Hanap-Hanap”; at “This Time.” Inanunsyo nina James at Nadine ang kanilang breakup noong 2020 matapos ang halos apat na taong relasyon.
Noong 2024, ipinarating ni James Reid ang kanyang side sa naging breakup noon sa ex-girlfriend na si Nadine Lustre sa kanta niyang “Hurt Me Too.”