Stell, inalala ang sinabi ng BTS nang una silang magkita

Binalikan ng SB19 member at The Voice Generations coach na si Stell o Stell Ajero sa Fast Talk with Boy Abunda ang unang pagkikita nila ng world-renowned K-pop boy group na BTS.
Kuwento ni Stell sa batikang TV host na si Boy Abunda, sariwa pa sa kanya ang naging first encounter nila noon ng K-pop superstars.
Aniya, “'Yung experience na 'yun Tito Boy sobrang fresh pa rin sa utak ko e. Kasi nung time po na 'yun ano rin sila e, starting pa sila noon na group and 'yung era po nila na 'yun is parang 'Danger pa. So 'yung song po nila na 'Danger,' 'yun po 'yung pino-promote nila.”
Nangyari ito noong 2014 habang nagsisimula pa lamang noon ang BTS at hindi pa nabubuo ang grupong SB19. Kasama pa lamang ni Stell noon ang kaibigan at fellow SB19 member na si Josh sa isang Filipino dance cover group na may pangalang Se-Eon.
Pagbabahagi pa ni Stell, “We were very lucky na kami 'yung Filipino cover group na pinadala ng Philippines that time to compete with other countries. Super thankful din kami na pumayag 'yung management nila na ma-meet namin sila backstage.
May naging mensahe rin daw noon ang BTS para sa kanila nang una silang magkita.
“For them happy rin sila na na-meet kami kasi sabi nila kami daw po 'yung first Filipino cover group na na-meet nila.
“So we were very happy and lucky to have that interaction with them that time so super happy and blessed po kami. Hanggang ngayon sariwa pa po sa isip ko 'yung nangyari that time,” ani Stell.
Biro naman ni Boy, “Kapag nagkasalubong muli kayo paki-kumusta na lang.”
October 2018 nang maging opisyal na miyembro ng SB19 sina Stell at Josh, kasama sina Pablo, Ken, at Justin.
Ang SB19 ay itinuturing na isa sa mga pinakamatagumpay na P-pop boy group ngayon na kinikilala rin maging sa ibang mga bansa.
Samantala, patuloy na mapapanood si Stell bilang isa sa coaches ng The Voice Generations kasama sina Billy Crawford, Julie Anne San Jose, Chito Miranda, at host nito na si Dingdong Dantes.













