'T! The Tigbak Authority' trio: Where are they now?

Naaalala n'yo pa ba ang 'T! The Tigbak Authority?'
Popular itong segment sa weekly showbiz-oriented talk show na StarTalk na ipinalabas mula 1995 hanggang 2015.
Orihinal na kinatampukan ang 'T! The Tigbak Authority' nina Steve Kvetko, Fayatollah, at Pepita Smith na kilala sa kanilang nakakatawang komentaryo sa showbiz headlines at blind items na pinamagatang "Da Who". Signature nila ang pagsusuot ng sunglasses at paggamit ng gay lingo.
Pero higit silang sumikat dahil sa kanilang kritikal na opinyon sa mga outfit ng celebrities sa fashion at entertainment events, at maging sa political affair na State of the Nation Address o SONA, sa nakakaaliw na paraan.
Kaugnay nito, muling umingay ang trio nang i-repost ng Klasik Titos and Titas of Manila sa kanilang Facebook page ang isang larawan nina Steve, Fayatollah, at Pepita.
Ipinost ito sa araw mismo ng ikaapat na SONA ng Pangulong Bongbong Marcos noong July 28, 2025.
Sa comments section, nagpahayag ang millennial fans ng pagka-miss kina Steve, Fayatollah, at Pepita dahil inaabangan ang kanilang segment tuwing panahon ng SONA noong ipinapalabas pa ang StarTalk.
Kilalanin sa gallery na ito kung sino-sino ang gumanap sa trio at alamin kung nasaan na sila ngayon.














