Hindi maitatanggi na isa si Tom Rodriguez sa mga pinakamahuhusay na aktor ng kanyang henerasyon.
Mula sa tumatak niyang gay role bilang Vincent sa groundbreaking series na My Husband's Lover noong 2013 hanggang sa pagiging villain ngayon sa hit fantaserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre, iba't ibang karakter na ang nagampanan ni Tom sa Kapuso Network—patunay sa kanyang pagiging versatile actor.
Noong Marso, inanunsyo na rin ang bago niyang show, ang upcoming political thriller series na Whispers From Heaven, kung saan makakasama niya ang award-winning actress na si Bea Alonzo.
Balikan ang ilan sa remarkable roles ni Tom Rdoriguez sa GMA Network sa gallery na ito:
Tumatak sa maraming mga manonood ang closeted gay role ni Tom Rodriguez bilang Vincent Soriano sa My Husband's Lover noong 2013, kung saan nakasama niya sa lead cast sina Carla Abellana at Dennis Trillo.
Matapos ang success ng My Husband's Lover, muling bumida si Tom Rodriguez, kasama sina Carla Abellana at Rhian Ramos, sa romance drama series na My Destiny noong 2014. Sa naturang serye, nakilala siya bilang Matthew.
Noong 2015, panibagong lead role ang nasungkit ni Tom Rodriguez. Bumida siya bilang Sergio Santibañez sa ikalawang remake ng Marimar sa Kapuso Network, kung saan nakatambal niya si Miss World 2013 Megan Young.
Muling nasubok ang husay ni Tom Rodriguez bilang isang aktor nang gumanap siya bilang TJ Chavez, na may early-onset Alzheimer's disease, sa drama series na Someone to Watch Over Me noong 2016.
Bumida si Tom Rodriguez bilang Greg sa science fiction series na The Cure noong 2018, kasama si Jennylyn Mercado.
Noong 2019, nakilala si Tom Rodriguez bilang Michael Chan sa fantasy drama na Dragon Lady. Nakapareha niya rito si Janine Gutierrez bilang Celestina Sanchez.
Isang special role ang ginampanan ni Tom Rodriguez sa hit 2020 series na Love of My Life, kung saan nakilala siya bilang Stefano Gonzales.
Noong 2021, gumanap si Tom Rodriguez bilang Brian Libradilla sa The World Between Us, kung saan nakasama niya sa lead cast sina Alden Richards at Jasmine Curtis-Smith.
Ngayong 2026, kumasa sa isang villain role si Tom Rodriguez nang gumanap bilang Gargan, ang Bathala ng Kadiliman, sa hit fantaserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre.