Umani ng samu't saring reaksyon mula sa mga manonood ang naging emosyonal at mainit na episode ng GMA Afternoon Prime series na You're My Favorite Song noong Lunes, July 13.
Umikot ang naturang episode sa paghahanda ni Zion (Marco Masa), sa tulong ng kaibigang si Angel (Caprice Cayetano), ng isang birthday surprise para sa kaniyang crush na si Charm (Waynona Collings). Ngunit hindi ito nagustuhan ni Charm, dahilan upang labis niyang masaktan si Zion at ipahiya ito pati na si Angel sa pamamagitan ng kaniyang mga masasakit na salita at gawa.
Ngunit sa likod ng kamera, tila puro tawanan at kulitan ang naganap sa pagitan ng mga cast members! Sa kaniyang Instagram account, masayang ibinahagi ng Kapuso young actress na si Waynona Collings ang ilang nakakaaliw na behind-the-scenes photos na nagpapakita ng kanilang samahan sa set habang ginagawa ang naturang rejection scene sa serye.
“All smiles here :),” sulat ni Waynona sa caption ng kaniyang post.
Patuloy na subaybayan si Waynona Collings bilang si Charm sa You're My Favorite Song kung saan tampok sina Heath Jornales, Clifford, Marco Masa, at Caprice Cayetano; Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m., pagkatapos ng Kamao sa GMA Afternoon Prime!
Silipin ang behind-the-scenes at off-cam photos na ibinahagi ni Waynona Collings kasama ang YMFS cast sa gallery na ito.
Isang magandang ngiti at hindi kasungitan ang hatid ng Kapuso young actress na si Waynona Collings sa kaniyang ibinahaging behind-the-scenes photos para sa episode ng You're My Favorite Song noong Lunes, July 13.
Sa naturang eksena, bumida ang kaniyang karakter na si Charm nang walang awa nitong tanggihan ang karakter ni Marco Masa na si Zion.
Kwela namang nag-pose para sa isang larawan sina Marco at Waynona, kahit puno ng pintura ang katawan ng binata. Nagmula ang pintura sa eksenang tinapunan ni Charm (Waynona) si Zion (Marco) upang pahiyain ito matapos hindi magustuhan ang inihandang birthday surprise para sa kaniya.
Ibinahagi rin ni Waynona ang isang cute photo kasama ang lead actress ng serye na si Caprice Cayetano, na gumaganap bilang si Angel. Kahit punong-puno ng pintura, game na game pa ring nag-pose si Caprice para sa camera.
Katulad ni Zion (Marco Masa), tinapunan din ni Charm (Waynona) ng pintura si Angel dahil ito ang tumulong kay Zion na isakatuparan ang birthday surprise para sa kaniya.
Bukod sa kaniyang karakter na si Charm na nagdiwang ng kaarawan sa serye, nag-birthday din sa tunay na buhay ang isa sa mga lead actor na si Clifford, na gumaganap bilang si Calix. Ibinahagi ni Waynona ang isang larawan kasama ang kaniyang co-stars noong sinorpresa nila si Clifford ng isang cake habang nasa taping.
Taliwas sa kaniyang matapang at palaban na karakter na si Charm, looking adorable at maamo si Waynona sa isang larawan kung saan yakap-yakap niya ang teddy bear na regalo ng karakter ni Zion (Marco Masa).
Ibinahagi rin ng Kapuso actress ang isang larawan kasama ang kaniyang mga schoolmates at on and off-screen friends sa serye na sina Lee Victor (Raviel), Kairo Lazarte (Poncy), Princess Aliyah (Adie), at Andrei Fajardo (Dash). Sa kuwento, ang kanilang barkada ang grupong naghahari-harian sa Brighton Bay Academy.
Cute at tila hindi kumakalas sa kanilang mga karakter sina Marco at Waynona sa isa pang larawan! Todo-bigay pa rin ang dalawa bilang sina Zion at Charm, na mas minamahal ngayon ng mga manonood bilang ang tambalang 'Charion'.