Patuloy na dumarami ang Pinoy celebrities na nakikilala at hinahangaan abroad dahil sa kanilang husay at talento sa pagpe-perform, pag-arte, musika, at maging sa modeling at fashion.
Tingnan ang ilang Filipino celebrities na gumawa ng ingay abroad ngayong 2024 sa gallery na ito:
Una sa listahan ang global fashion icon at Sparkle artist na si Heart Evangelista. Talaga namang hindi maitatanggi ang pagiging popular ni Heart sa fashion--local man o international.
Ngayong 2024, kabi-kabila ang pagdalo nito sa international fashion events tulad ng iba't ibang shows sa Paris Fashion Week at Milan Fashion Week.
Kabilang si Heart Evangelista sa top 10 influencers sa Paris Fashion Week na may mataas na EMV (estimated media value).
Naging laman din siya ng iba't ibang lifestyle at fashion magazines abroad tulad ng Vogue Singapore, Prestige Hong Kong, Glam Malaysia, at Tatler Asia.
Ngayong 2024, nag-debut sa Milan Fashion Week si Primetime Queen Marian Rivera bilang representative ng Italian makeup brand na KIKO Milano. Ang Kapuso actress ang Philippine brand ambassador ng nasabing makeup brand.
Matapos ang husay na ipinakita sa Miss Universe 2023 pageant sa El Salvador, kabi-kabila ang naging pagdalo ni Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee sa iba't ibang fashion events abroad tulad ng Paris Fashion Week para sa Maitrepierre, Sandro Paris, at Zomer.
Rumampa rin siya sa Paris para sa sikat na Filipino fashion designer na si Michael Cinco.
Si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach ang kauna-unahang Filipina na rumampa sa L'Oreal Paris Runway show sa Paris Fashion Week noong September 2024.
Bukod dito, kabi-kabila rin ang pagdalo niya sa iba't ibang fashion shows at events sa New York, Paris, at Milan.
Patuloy ang paggawa ni Liza Soberano ng pangalan abroad. Noong September 2024, dumalo si Liza sa New York Fashion Week para sa Spring 2025 show ng Coach.
Samantala, nag-debut si Liza sa Hollywood sa horror-comedy film na Liza Frankenstein noong February 2024.
Ngayong 2024 nagkaroon ng collaboration si Julia Barretto sa foreign actors para sa series na Secret Ingredient kung saan nakasama niya ang South Korean actor na si Lee Sang-heon at Indonesian celebrity Nicholas Saputra.
Ngayong 2024, nag-debut si James Reid sa Milan at Paris Fashion Week, na simula niya sa global fashion scene. Ilan sa shows na dinaluhan niya ay Gucci at Louis Vuitton.
Bukod sa pagdalo sa iba't ibang fashion events abroad tulad sa Milan at Paris, nagkaroon na rin si Anne Curtis ng Madame Tussauds wax figure sa Hong Kong. Siya ang unang Filipino actress at host na nagkaroon ng wax figure sa nasabing museum.
Isang kasaysayan para sa Pilipinas ang pag-uwi ni Miss Universe Philippines 2024 Chelsea Manalo ng pinakaunang Miss Universe Asia title mula sa laban niya sa Miss Universe 2024 sa Mexico.
Bilang Miss Universe Asia, makakatrabaho niya si Miss Universe 2024 Victoria Kjær Theilvig ng Denmark at ang Miss Universe para tulungan ang iba't ibang charities at organizations.