
Sunud-sunod ang dumarating na blessings sa viral food content creator na si Abi Marquez o mas kilala bilang "Lumpia Queen."
Matapos kilalanin bilang Best Food Blogger sa World Influencers and Bloggers Awards 2025 sa Cannes, France, may panibagong accomplishment na naman ang award-winning blogger.
Pinasok na rin ni Abi Marquez ang pag-arte at, sa unang pagkakataon, mapapanood siya sa teleserye via upcoming GMA Prime action series na Sanggang-Dikit FR na pagbibidahan nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado. Gaganap siya rito bilang Chef Abi Martes, ang supplier ng merienda sa presinto at kaibigan niya ang mga pulis.
Ayon kay Abi, hindi siya nahirapan na kaeksena ang mga batikang artista na kasama niya sa Sanggang-Dikit FR gaya na nina Dennis at Jennylyn kahit baguhan siya sa pag-arte.
Aniya, "It's so crazy to be working with superstars. When we're taping, in-o-observe ko lang how do people do this and try to learn from them as much as I could, and Dennis and Jennylyn have been very friendly. So first day pa lang ng taping, we introduced ourselves and inaasar na ako ni Jennylyn... lighthearted lang yung scenes so masaya kami kapag taping."
Samantala, bukod kay Abi Marquez, mapapanood din sa Sanggang-Dikit FR ang iba pang content creators gaya nina Tito Abdul & Marsyyy, Zaito, Shernan, Ayanna Misola, at Alona Navarro.
Ang Sanggang-Dikit FR ay mula sa direksyon ni LA Madridejos at sa produksyon ng GMA Entertainment Group.
Mapapanood ito sa Hunyo sa GMA.
RELATED CONTENT: KILALANIN PA SI ABI MARQUEZ SA GALLERY NA ITO.