
Kasalukuyang napapanood sa hit GMA series na Abot-Kamay Na Pangarap sina Carmina Villarroel at Jillian Ward, bilang mag-ina na sina Lyneth at Analyn.
Sa ilang buwan na pagsasama nila bilang co-stars sa serye, napalapit ang loob nila sa isa't isa.
Kaya naman kahit wala sila sa taping, kapansin-pansin na mag-ina pa rin ang turingan ng dalawang aktres.
Kamakailan lang, in-upload ni Carmina ang isang vlog kung saan mapapanood na nag-shopping at nag-bonding sila ni Jillian.
Sa unang parte ng vlog, unang ibinahagi ng aktres na pinamili niya ng birthday gift si Jillian.
Sa huling parte naman, bago umuwi ay nag-dinner muna sila kasama ang mommy ng young actress at iba pa nilang kaibigan.
Habang kumakain, naisipan ni Carmina na magtanong ng ilang bagay kay Jillian, kabilang na rito ang ilang intriga tungkol sa kaniya at kung paano niya hina-handle ang kaniyang bashers.
Ayon kay Jillian, isa sa pinakamatinding intriga o tsismis na kumalat tungkol sa kaniya ay ang pagkakaroon daw niya ng fake scandal.
“Sobrang bad po, may gumagawa po ng fake scandal po… ididikit po 'yung mukha ko tapos ako raw po 'yung nandoon… Noong una po, sobrang naaapektuhan po ako, malaswa po kasi siya ganon, hindi ko alam mapi-feel ko. Pero ngayon po, medyo nasasanay na rin. God bless na lang, kasi alam ko naman pong hindi totoo 'yun.”
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com kay Jillian bago ang kaniyang engrandeng debut na ginanap noong February 25, masaya niyang ibinahagi na nakatanggap siya ng luxury gift mula kay Carmina, at ito nga ang binili nila na napanood sa naturang vlog.
SAMANTALA, SILIPIN ANG BEST MOTHER-DAUGHTER MOMENTS NINA LYNETH AT ANALYN SA GALLERY SA IBABA: