
Isa ang Abot-Kamay Na Pangarap sa mga nominado sa 38th PMPC Star Awards for Television.
Kabilang ang hit medical drama series sa nasa listahan ng Best Daytime Drama Series, kung saan kasama rin ang GMA series na Lilet Matias: Attorney-At-Law, Makiling, at Stolen Life.
Bukod dito, nominado rin ang isa sa cast members ng serye na si Pinky Amador.
Pasok si Pinky sa listahan ng mga nominado para sa Best Drama Supporting Actress category sa naturang award-giving body.
Ito ay mula sa kaniyang pagganap bilang si Moira/Morgana sa Abot-Kamay Na Pangarap.
Kasama ni Pinky sa listahan ng Best Drama Supporting Actress ang Pulang Araw star na si Rochelle Pangilinan at Lilet Matias: Attorney-At-Law actress na si Glenda Garcia.
Matatandaang labis na pinag-usapan at nakilala ng Pinoy viewers ang role ni Pinky sa naturang serye dahil sa husay ng huli sa pagiging kontrabida sa buhay ng mag-inang Lyneth at Analyn, ang mga karakter noon nina Carmina Villarroel at Jillian Ward.