
Aminado ang mga miyembro ng bandang Aegis na sina Juliet Sunot, Kris Sunot, Stella Pabico, Rey Abenoja, Rowena Adriano, at Vilma Goloviogo na nabigla sila sa pagpanaw ng kabanda nilang si Mercy Sunot. Sa katunayan, hanggang ngayon ay nagluluksa pa rin sila dito.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, August 27, ibinahagi ni Juliet na nagkakausap pa sila ni Mercy habang nasa US ito para magpagamot para sa kanyang lung cancer. Aniya, nagsabi pa itong sasama sa kanila nang malaman na may magaganap na concert Pebrero ng 2025.
“Nag-uusap kami palagi, sabi niya, 'pag naoperahan siya, after po du'n, uuwi siya kasi may concert po kami ng February po nu'n. Gusto niyang sumama po talaga, Tito Boy, pero 'yun nga,” sabi ni Juliet.
Pagbabahagi ni Juliet, nakapagkwentuhan pa sila matapos ang operasyon ni Mercy, at okay pa naman ito noong mga panahon na iyon sa kabila ng tatlong uri ng cancer na breast, lungs, at bone.
Pagbabahagi naman ni Rey, ibang-iba na talaga ang kanilang banda ngayong wala na si Mercy, “Para bang kulang na kulang talaga sa grupo 'yung isang nawala lalo na sa bosesan. Parang kulang talaga e, hindi pwedeng palitan ng kung sino lang. Walang makakapalit sa kanya.”
Pressured naman ang kapatid din nina Juliet at Mercy na si Kris, na naging parte lang ng banda noong 2011. Bukod kasi sa madalas hanapin ng mga tao si Mercy, naikukumpara din siya madalas dito.
KILALANIN ANG IBA PANG CELEBRITIES NA PUMANAW DAHIL SA CANCER KAGAYA NI MERCY SA GALLERY NA ITO:
November 2024 nang ibahagi ni Mercy sa isang TikTok video na kagagaling lang niya sa isang lung operation na ginawa sa California, USA. Humingi siya ng mga panalangin dahil matapos ang operasyon ay nahirapan siya muling huminga at nalaman na may tubig pala ang kanyang baga.
Nobyembre din, ilang araw pagkatapos ang post ni Mercy ay inanunsyo ng banda sa kanilang Facebook page na pumanaw na ito.