
Nakulangan ang The Clash 2021 panel sa latest performance ng single dad na si Jeffrey Dela Torre noong Sabado, December 4.
Dahil dito, nalagay siya sa bottom two kasama si Renz Fernando matapos ang kanilang performance sa "Round 5: Isa Laban Sa Lahat" kung saan nakalaban nila sina Rare Columna at Lovely Restituto individually.
Inawit ni Jeffrey sa nasabing round ang "Sana Ay Ikaw Na Nga" ni Basil Valdez.
Ayon kay judge Christian Bautista, impressed siya sa consistency ni Jeffrey ngunit binigyan niya ng challenge ang binansagang Dreamer Dad ng Cagayan Valley para mag-step up ang kanyang performance.
Sabi ng Asia's Romantic Balladeer, "Alam na namin what you can do, ano pa 'yung mga ways, nasa sa 'yo na 'yon, to now elevate yourself or surprise us.
"How will now you be so unique from everyone else in the Philippines and the world?"
Ganito rin ang komento ni Lani Misalucha kay Jeffrey.
Ani ng Asia's Nightingale, "Ang kailangan mo na lang susunod na isipin ay ano ang pwede kong susunod na gawin na pwede kong sabayan 'yung mas matindi sa akin because you have to remember there's always someone who is better and bigger than you. O ano 'yung strategy na pwedeng gawin na kung hindi mo kayang lagpasan, pantayan man lang."
Samantala, gusto raw ni Aiai Delas Alas ikasal muli matapos marinig ang nakaka-in love na boses ni Jeffrey nang kumanta ito ng "Sana Ay Ikaw Na Nga."
Sa huli, nalaglag si Jeffrey sa top six matapos paboran ng The Clash panel si Renz sa 'Matira Ang Matibay.' Dito ay kinanta niya ang "Patuloy Ang Pangarap."
Nagbigay naman ng nakakaantig na farewell speech si Jeffrey matapos ang kanyang elimination, na ikinalungkot ni Aiai.
Sabi ng newly-eliminated Clasher, "Unang-una, maraming salamat kay Lord kasi natupad po 'yung hiling ko na makatungtong dito and nagpapasalamat ako sa mga judges, sa mga co-Clashers ko kasi tinuring ko na kayong mga kapatid.
"From staff to makeup artist. sa lahat-lahat po ng andito, na-appreciate ko po 'yung kabaitan ninyong lahat, maraming-maraming salamat po."
Sabi pa ng single dad, "Back to normal ulit. 'Yung anak ko, mas matututukan ko na s'ya ngayon.
"Gaya nga ng lyrics ng "Patuloy Ang Pangarap," walang sukuan. So tuloy lang talaga 'yung laban natin."
Mapapanood ang The Clash 2021 tuwing Sabado, 7:15 p.m., at Linggo, 7:40 p,m., sa GMA.
May livestreaming din ang programa sa oficial Facebook, YouTube, at TikTok pages nito.
Samantala, maaaring mapanood ang episodic highlights ng The Clash 2021 sa GMANetwork.com o GMA Network app.