
Proud na ikinuwento ni Aiai delas Alas na healthy at mas malakas ang pangangatawan niya ngayon.
Ibinahagi ito ni Aiai sa media conference ng Sparkle World Tour 2025. Si Aiai ay isa sa mga mapapanood sa Sparkle World Tour na gaganapin na ngayong August 16 and 17 sa Toronto, Canada, in partnership with Taste of Manila. Sa August 29 to September 1 naman gaganapin ang Sparkle World Tour sa Eau Claire Park, Calgary, in partnership with Fiesta Filipino. Samantala, ang GMA Pinoy TV na nagsi-celebrate ng 20th anniversary ay ang proud media partner ngayong 2025 Sparkle World Tour.
Kuwento ni Aiai, ang mga pagbabago sa kaniyang lifestyle na naging dahilan daw ng paglakas ng kaniyang pangangatawan. Ani Aiai, "May nagbago ba? Oo, kasi nine years ago, hindi pa ako organic. Ngayon organic na 'yung kinakain ko, gluten-free, so mas malakas ako ngayon."
Dugtong pa niya, "'Yung mga hindi ko nagagawa noong 30 years ago, mas nagagawa ko ngayon. Hindi ako napapagod 'pag nagko-concert, naggi-gym ako. Mas malakas 'yung katawan ko ngayon. I think that's the difference."
Pagdating naman sa pagpe-perform, inilahad ng Comedy Concert Queen ang pagkakaiba sa pagpapasaya sa mga Pilipino rito at sa abroad.
"Alam ko na, kumbaga sa bala, alam ko na 'yung ibabala ko kapag pagdating sa mga Pilipino na nagpe-perform ako doon. Alam ko rin kung ano ang ibabala ko pagdating dito."
Paliwanag ni Aiai, "Doon kasi nami-miss ka nila e. Hindi katulad dito nakikita ka nila sa daan, nakikita ka nila sa mall. Doon, hindi ka naman nila nakikita, bihira ka lang makita. I think mas easier, pero mas maingay at mas masaya kapag nagpe-perform ka abroad."
SAMANTALA, NARITO ANG MGA LARAWAN SA MEDIA CONFERENCE NG SPARKLE WORLD TOUR 2025: