
May kurot sa puso ni AiAi Delas Alas ang naging pag-uusap nila ng batikang TV host na si Boy Abunda tungkol sa kanyang pagiging ina.
Sa Fast Talk with Boy Abunda kamakailan, muling sumalang si AiAi sa isang interview kasama si Boy.
Dito ay emosyonal na sinabi ni AiAi na minsan ay tinatanong niya ang kaniyang mga anak kung siya ba ay naging mabuting ina.
Kuwento ni AiAi, “Minsan tinatanong ko sila kung nagkulang ba ako or, 'Mga anak ano ba? Okay ba akong nanay?'”
Ayon sa comedienne-actress, masarap sa pakiramdam na mismong sa kanyang mga anak manggaling na hindi siya nagkulang bilang isang magulang.
Aniya, “Sinasagot naman nila [ako], 'Oo, ma, sobra-sobra naman 'yung binibigay mo sa amin.' Parang thank you kasi minsan nagdududa ako na baka hindi ako ganun kagaling na nanay.”
Dagdag pa ni AiAi, sa lahat ng kanyang mga naranasan sa buhay, isa sa mga naging aral na natutunan niya ay ang pagkakaroon ng mabuting relasyon sa ama ng kanyang mga anak kahit pa sila ay hiwalay na.
“Isa lang 'to ha, hindi naman lahat. Siguro 'yung may kaaway ka, lalo na 'yung ex-husband mo, 'wag mo siyang sisiraan o aawayin sa publiko. Kasi, darating 'yung time na kapag hindi ka na galit, baka dumating na 'yung anak mo ang galit doon sa tatay nila, which is hindi naman deserve ng tatay nila. Kasi, iba naman ang treatment ng tatay doon sa mga anak kaysa sa trato niya sa 'yo no'ng kayo pa.
“Hindi kasi niya kasalanan and magsisisi ka, e. Kapag 'yung kunwari hindi ka na galit tapos 'yung anak mo na 'yung galit tapos ayaw niyang i-acknowledge 'yung father niya, hindi maganda, e.”
Nagpapasalamat naman si AiAi na hindi nagtanim ng sama ng loob ang kaniyang mga anak sa kanyang ex-husband na si Miguel Vera.
Aniya, “In fairness, at least 'yung mga anak ko kahit noong araw 'yung binibuwiset-buwiset ko si Miguel [Vera] sa mga anak ko… In fairness, mahal na mahal nila 'yung papa nila. Hindi nila in-absorb.
“Siguro 'yung sabi lang nila, 'Loka-loka naman 'tong nanay namin, 'wag na lang namin i-absorb,'” biro ni Ai Ai.
Si Ai Ai ay may tatlong anak na sina Sancho Vito Delas Alas, Sophia Delas Alas, at Sean Nicolo Delas Alas.
Sa ngayon, si AiAi ay naninirahan na sa San Francisco sa Amerika kasama ang kaniyang mga anak at asawang si Gerald Sibayan. Umuuwi lamang si AiAi sa Pilipinas kung siya ay may gagawing trabaho.
Para kay AiAi, ang kanyang pagiging ina at asawa ang kanyang greatest achievement sa buhay.
“I think the biggest achievement na na-acquire ko sa buhay ko ay ang pagiging isang mabuting ina at asawa. Kasi, 'di ba, ang popularidad, nawawala 'yan, ang kasikatan, nawawala 'yan. Pero pag namatay ka 'yung pagiging mabuting tao mo, 'yung pagiging mabuting ina mo, mabuting asawa mo, 'yun ang [maaalala] ng tao sa'yo,” ani AiAi.
RELATED GALLERY: IN PHOTOS: Ang mga "anak" ni Aiai delas Alas