
Aminado si Comedy Concert Queen Aiai Delas Alas na sa mismong rurok ng kaniyang karera niya naramdaman na gusto na niyang mawala sa mundo.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, October 30, binalikan ni King of Talk Boy Abunda ang rurok ng karera ni Aiai nang simulan niyang gawin ang movie series na Ang Tanging Ina.
Pagbabahagi ng aktres, “Napaka saya kasi maraming nangyari sa buhay ko and marami akong natulungan, maraming nagbago sa buhay ko. Malungkot, kasi totoo 'yung kasabihang 'It's lonely at the top.'”
Ani Aiai, hindi pa nauuso noon ang mental health issues, alam niyang naranasan na niya ito noon. Sa katunayan, umabot na rin siya sa kaisipan na gusto na niyang mawala.
“Parang naranasan ko 'yan noon na gusto ko nang mawala sa mundo kasi parang alam mo 'yun, pagod na pagod ako, tapos parang lahat ng tao, mahal ako kahit hindi naman nila ako totoong mahal,” sabi ni Aiai.
Alam naman umano ni Aiai na may katapusan din ang kaniyang kasikatan kaya naman kabilang sa kaniyang mga panalangin na habang okay pa siya at napapatawa pa niya ang mga tao, ay manatili siyang sikat.
Ngayon ay meron na umanong ibang dahilan si Aiai para mabuhay, at iyon ay ang kaniyang paparating na apo mula sa anak na si Sancho.
“Magkakaroon na ako ng apo kasi buntis 'yung fiancé ni Sancho so meron na akong apo and I have a reason to live again,” sabi ni Aiai.
Babae ang magiging anak nina Sancho, na papangalanan nilang Mia Isabela, at excited na siyang makilala ito. Pagbabahagi pa ni Aiai, kahit limang buwan o isang taong gulang pa lang ito ay bibihisan na niya ang apo para lagi silang twinning.
Isang payo umano ang gustong iwan ni Aiai sa kaniyang magiging apo, “Mia, ito ang tatandaan mo, kapag nasaktan ka, sasabihin mo sa sarili mo, 'I've cried, I've healed, I've grown.'”
BALIKAN ANG MGA NATATANGING PAGGANAP NI AIAI SA GALLERY NA ITO: