
Special guest ang The Clash contestant na si Tombi Romulo sa contract signing event ni Aiai Delas Alas para sa isang product endorsement kahapon, November 21.
Bago magsimula ang muling pagpirma ni Aiai ng kontrata sa Hobe Noodles, nag-perform muna si Tombi ng ilang kanta, kabilang na ang huli niyang kinanta sa The Clash nitong Linggo, November 17, ang "Hesus."
Dahil dito, hindi naiwasang matanong si Aiai kung muli niyang papasukin ang pagma-manage ng talent.
Matatandaan na nitong taon lang ay hindi naging maganda ang karanasan niya bilang talent manager ng grupong Ex Battalion.
Nilinaw ni Aiai na hindi siya ang opisyal na manager ni Tombi.
Aiai Delas Alas, nag-resign bilang manager ng Ex-Battalion
"Tulong-tulong lang sa mga nangangailangan," nakangiting sabi ni Aiai sa entertainment media.
Patuloy pa niya tungkol sa dating pinagdaanan bilang talent manager, "Naka-recover na ako. At saka ganyan naman ako, di ba? Parating sasabihin n'yo, wala akong kadala-dala, e.
"Parang love life ko lang dati, laging sinasabi sa akin, 'Ikaw talaga, wala kang kadala-dala.' At least, ngayon kasal na ako.
"Parang ganun din 'yan, later on magiging perfect din."
Ayon kay Aiai, marami siyang natutunan sa huling experience niya bilang talent manager ng viral rap group.
Kuwento niya, "Siguro, unang-una, titingnan ko yung background ng family, yung background niya kung ano ang ugali niya, ang mga pinagdaanan niya.
"Kasi, 'yon ang hindi ko naaral sa kanila, sa mga boys. Inaaral ko lang along the way, hindi ko inaral muna bago ko sila kinuha."
Diin pa niya sa huli, "Mahalaga 'yon kasi nakikilala mo sila, ang family background nila, para alam mo kung paano mo sila sasabihan kasi ibang tao 'yan, e, hindi mo naman 'yan anak, e.
"Anak mo by feelings pero hindi naman 'yan sa 'yo lumaki, magkakaiba ng ugali 'yan."
Sa ngayon, handa raw si Aiai na magbigay tulong sa mga aspiring artist.