GMA Logo aiai delas alas proposal
Source: MsAiAiOfficial (FB)
What's Hot

Aiai Delas Alas, nilinaw ang kanyang proposal video

By Jansen Ramos
Published March 7, 2026 12:47 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Strait of Hormuz listed as 'high-risk area' for Filipino seafarers — DMW
Fajardo, Ando lead honorees in 40th Cebu Sports Awards

Article Inside Page


Showbiz News

aiai delas alas proposal


Ipinaalala ng Comedy Queen na si Aiai Delas Alas na huwag siyang husgahan dahil sa 'wedding proposal' ng isang lalaking nagngangalang 'Alvin.'

'Naloka' ang Comedy Queen na si Aiai Delas Alas dahil sa mga mensaheng natanggap niya matapos mag-post sa social media ng isang proposal video.

Sa kanyang Facebook reel na ipinost noong Miyerkules, March 4, nilinaw ni Aiai na prank lang ito, na ipinahiwatig sa dulo ng nasabing video. Bago matapos ang video, may disclaimer na nakasulat na "This video is for entertainment purposes only."

Bulalas niya, "Ang daming tumawag sa 'kin—mga kaklase ko, mga kaklase ko sa Zumba, mga kaibigan ko, mga close friend ko talaga ah. Naloloka sila na para bang ano ba? Tapusin n'yo muna kasi yung video."

Ipinaliwanag ng komedyante kung ano ang nangyari sa likod ng wedding proposal sa kanya ng isang lalaki habang kumakain ng dinner sa isang restaurant.

Kuwento niya, "Yung katabi naming table, nag-propose si kuya dun kay ate, foreigner. So ang laki-laki ng tarpaulin, hindi ba? Tapos nagkatinginan kami ni Ms. Ynez Veneracion. Sabi ko, 'Girl..mare, nalungkot ka? Sabi niya, 'Ikaw, nalungkot ka?' Sabi ko, oo."

"Parang nainggit ako kay ate. Tapos sabi ko, 'sige tayo rin kunwari.' Diyos ko, tinawag ko si Kuya. Halika ka dali, kunwari nag-propose si kuya tapos tawa sila nang tawa."

Sinabi ni Aiai na ni hindi niya kilala ang lalaking "nag-propose" sa kanya.

"Nakakatawa kayo, ang dami n'yong napag-iinteresan na sinasabi sa 'kin. 'Di ko nga alam pangalan ni kuya. Sa comment ko lang nakita na Alvin pala ang pangalan n'ya."

Aniya, isa sa rason kung bakit ginawa niya iyon ay dahil "gusto ko lang din makaranas ng malaking diamond sa kamay ko."

Nakiusap naman si Aiai na tigilan na ang panghuhusga sa kanya, lalo na pagdating sa kanyang love life.

Sambit niya, "Last ny'o na yan...Kung ano-ano sinasabi n'yo na wala akong kadala-dala. Hello, alam n'yo ba hangga't nakikita n'yo na nagha-Hyrox ako, nagg-gym, ibig sabihin single ako no'n? At saka hello, ang tanga-tanga 'te? Hanggang ngayon, 'di na natuto?"

Hirit pa niya, "Hello, kahit strong 'to, may pagka-brainy din naman ako minsan."

Nagpasalamat din si Aiai sa kanyang mga kaibigan na nagpadala ng mensahe ng concern sa kanya. "Ang sweet-sweet nila. Sinabi nila kasi ayaw namin na umiiyak ka. 'Di na ko iiyak. Che!"

Sa dulo ng video, muling ipinaalala ni Aiai sa kanyang followers na matutong alamin ang konteksto ng mga napapanood online. "Wag masyadong mang-judge!"

Kinumpirma ni Aiai ang hiwalayan nila ng ikatlo niyang asawa na si Gerald Sibayan, na 30 taon na mas bata sa kanya, sa guest appearance niya noong November 2024 sa Fast Talk with Boy Abunda.

Kasunod nito, binunyag niya ang pagkansela ng green card petition para kay Gerald sa U.S. Citizenship and Immigration Services. Si Aiai ay isang legal U.S. permanent resident.

Hindi na bago ang pagiging laman ng kontrobersiya ni Aiai pagdating sa kanyang mga nakarelasyon.

Bago si Gerald, ikinasal si Aiai kay Jed Salang sa pamamagitan ng isang civil wedding sa Las Vegas, Nevada, U.S.A. noong April 3, 2013. Naghiwalay din ang dalawa matapos ang isang buwan nilang pagsasama bilang mag-asawa. Ilan sa mga naging ugat umano ng kanilang hiwalayan ay ang physical abuse at pagsusugal ni Jed.

Dating asawa rin ni Aiai ng aktor na si Miguel Vera, kung kanino siya may dalawang anak: sina Sophia and Sean.

Ang late theater actor na si Rey Maltezo-Cruz ang ama ng panganay ni Aiai na si Sancho.

RELATED GALLERY: IN PHOTOS: Ang mga "anak" ni Aiai delas Alas