
Available na sa Netflix ang pelikula ni Aiai Delas Alas noong 2023 na Litrato. Nag-premiere ito sa sikat na streaming service noong August 23.
Sa ngayon, kabilang ito sa top 10 movies sa Netflix na pinapanood sa Pilipinas.
Noong Linggo, August 25, nakuha ng Litrato ang sixth spot hanggang sa umakyat ito sa ikaapat na puwesto ngayong Huwebes, August 29. Kasalukuyang nasa ikaapat pa ring puwesto ang drama film.
Nagpasalamat naman si Aiai sa mga tumangkilk ng kanyang pelikula.
"Thank you very much, Philippines at aking mga kababayan... nasa top 10 po kami... To God be the glory, Amen. Congrats, team, and congratulations sa aming producers co actors, staff and crew and aming director ... more movies sa netflix to come wohooooooo," sulat niya sa kanyang Instagram post.
Sa pelikula, gumaganap si Aiai bilang Lola Edna, isang masungit na pasyenteng may dementia sa isang pasilidad. Nangongolekta siya ng mga litrato mula sa mga bisita para maalala niya ang nawalay niyang anak at apo.
Kasama ni Aiai sa Litrato sina Ara Mina, Liza Lorena, Bodjie Pascua, at Quinn Carrillo. Mula ito sa direksyon ni Louie Ignacio.
Samantala, muling lalabas sa telebisyon si Aiai.
Matapos magbalikbayan mula Amerika, nasa bansa ulit ang Comedy Concert Queen para gawin ang The Clash 2024 kung saan isa siya sa tatlong hurado. Sina Lani Misalucha at Christian Bautista ang dalawa pang personalidad na bumubuo sa The Clash panel.
Ipapalabas ang The Clash 2024 sa Setyembre sa GMA.
Related: IN PHOTOS: Aiai Delas Alas's career as a Kapuso through the years