
Ngayong naka-enhanced community quarantine ang buong Luzon, kanya-kanyang gimik ang celebrities kung paano nila mapapasaya ang kanilang fans online.
Ang naisip ng aktres na si Aiko Melendez ay ang gumawa ng TikTok video habang sinasayaw ang nauso noon na "Nobody" na kinanta ng all-girl Korean group na Wonder Girls.
“Wohoooooo! Pangtanggal bagota!!! Nobody nobody,” sulat ni Aiko sa kanyang Instagram post kalakip ang kanyang video habang sumasayaw.
Bilib naman ang tween actress na si Elijah Alejo sa pagsasayaw ng kanyang 'mommy Kendra.'
Mag-ina ang ginagampanang karakter nina Aiko at Elijah na sina Kendra at Brianna sa afternoon drama na Prima Donnas.
“Galing naman ng mommy Kendra kooo,” komento ni Elijah.
Humanga din ang ilang netizens sa pagsasayaw ni Aiko.
Panandaliang hindi napapanood ang Prima Donnas sa telebisyon dahil sinuspinde ng GMA Network ang produksyon ng mga programa alinsunod sa umiiral na enhanced community quarantine.
Hindi man mapapanood sa TV, available pa rin sa GMANetwork.com o sa GMA Network App ang full catch-up episodes ng Prima Donnas.
Mapapanood muna pansamantala ang dating afternoon drama na Ika-6 na Utos sa timeslot ng Prima Donnas.