
Malaki daw ang naging pagbabago sa buhay ng aktres na si AJ Raval simula nang aminin niya sa Fast Talk with Boy Abunda noong nakaraang taon ang tungkol sa mga anak niya at ng aktor na si Aljur Abrenica.
Sa panayam sa kaniya ni King of Talk Boy Abunda sa naturang GMA Afternoon Prime talk show ngayong Lunes, May 11, sinabi ni AJ na sobrang peaceful nila ngayon nina Aljur at kanilang mga anak.
“Actually, expected ko po, bigay ko na lahat nu'ng araw na 'yun, hindi na baleng masira ako, mawalan na ng trabaho mabigyan ko lang ng freedom 'yung mga anak ko, okay na 'ko,” sabi ni AJ.
Pag-amin pa ng aktres, hindi niya inasahan na maganda ang kalalabasan ng pag-amin niya sa naunang interview ng batikang host. Kaya naman, lubos din ang pasasalamat niya sa tinaguriang King of Talk.
Isa umano sa mga ginawa nila bilang pamilya, kasama ang mga anak ni Aljur kay Kylie Padilla na sina Alas at Axl, ay magsimba at magpasalamat sa Diyos.
“Ang una po naming ginawa ng mga anak ko, ni Aljur, and 'yung mga anak din po niya, kasama namin, nagbigay po kami ng pasasalamat sa Diyos, um-attend po kami ng thanksgiving day, nagpasalamat po kami, nagsamba po kami, Tito Boy,” sabi ni AJ.
Sa katunayan, pagkatapos ng interview na iyon ay birthday ng anak nilang si Aikina at unang pagkakataon na lumabas sila para ipagdiwang ito.
“Sumunod din po nu'ng November na 'yun na interview, birthday din po ni Aikina. So first time din po namin lumabas ng birthday niya, nag-mall po kami, kumain po kami sa labas,” sabi ni AJ.
TINGNAN ANG TENDER MOMENTS NINA AJ AT ALJUR SA KANILANG MGA ANAK SA GALLERY NA ITO:
Sa November 12, 2025 episode ng GMA Afternoon Prime talk show, unang sinagot ni AJ na meron na silang tatlong anak ni Aljur at dalawa pang anak sa naunang relasyon.
Pagbabahagi ng aktres, nagdesisyon siyang ibahagi na ito dahil gusto niyang makakuha ng freedom ang kaniyang mga anak.
“Gusto ko na po matapos and gusto ko na po magkaroon ng freedom 'yung mga kids,” sabi ni AJ.
Sabi ng aktres, ayaw na niyang magtago pa at nilinaw na pinag-isipan niya ng mabuti ang kaniyang desisyon.