
Ngayong 2020, muling ipinapalabas ang first local animated anthology series na Alamat.
Sa makasaysayan nitong pang-walong pagtatanghal, natunghayan ang kwento ng bakunawa at ng pitong buwan.
Noong unang panahon ay pito ang buwan. Binabantayan ang mga ito ng isang tribo sa sinaunang bayan ng Banwa laban sa matakaw na halimaw na kung tawagin ay bakunawa--isang sea serpent.
Sa Banwa, ang gabi ay halos kasing-liwanag ng umaga.
Dahil sanay na sanay na sila sa kanilang mga buwan, hindi na napapansin ng mga taong bayan na unti-unti pala itong nababawasan.
Ang makulit na batang si Bulan lang ang saksi sa mga pangyayari, pero dahil ilang beses na siyang nagsinungaling, wala nang naniniwala sa kanya nang magbigay siya ng babala tungkol sa hayop na kumakain ng mga buwan.
Pero bakit kaya kinakain ng bakunawa ang mga buwan? Wala ba siyang makain sa kanyang pinanggalingan?
Panoorin ang buong episode sa itaas.
Ang tagapagsalaysay ng kuwento ay ginampanan ng TV host na si Tonipet Gaba.
Maliban dito, si Tonipet din ang tinig sa likod ng mala-dragon na bakunawa. Hindi man ito halata sa pananalita, ang nakabibilib niyang singing voice ang ginamit sa song number ng dambuhalang ahas.
Nagpakitang gilas rin si Zaimic Jaranilla bilang Bulan. Hindi lang pala magaling sa drama ang Batang Yagit, pwede rin pala siyang sumabak sa voice acting.
Ang kuwento ng bakunawa at ng pitong buwan ang ikalawang handog sa ikalawang aklat ng Alamat. Orihinal itong ipinalabas noong May 22, 2016. Ito ay mula sa panulat ng award-winning children's book author Augie Rivera.
Patuloy na subaybayan ang Alamat rerun tuwing Lunes at Martes, 8:25 a.m., bago mag-Mars Pa More.
Kung ma-miss n'yo man ang episode, maaaring mapanood ang aired full episodes ng first local animated anthology series sa GMANetwork.com at GMA Network app.